Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan nito ang makakatagpo nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? Sa ano maipagpapalit ng tao ang kanyang sarili? Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. Totoong sinasabi ko sa inyo na makikita ng ilan sa inyo ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari, bago sila mamatay.”
PAGSASADIWA
Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? ● Ano ngayon ang halaga ng mga bagay na nakamit natin kung nakalagpas naman ang mga mahahalagang pagkakataon sa ating buhay? Upang hindi humantong sa pagsisisi, nais ng Panginoon na sumunod tayo sa kanya, talikuran ang ating sarili at pasanin ang krus ng ating buhay. Kailangang isuko natin ang lahat kapalit ng walang hanggang kagalakan at kasaganaan sa piling ng Diyos. Maaaring isipin natin na malaki ang ating isinasakripisyo nang wala namang dahilan, pero sa huli’y makikita rin natin na nasa atin ang tunay na kagalakan sa buhay.