Isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime, at ang kapatid nitong si Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. Nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila: nagningning gaya ng araw ang kanyang mukha at kuminang na puting-puti ang kanyang damit gaya ng liwanag. At napakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. Kaya nagsalita si Pedro at sinabi niya: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Kung gusto mo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.” Nagsasalita pa si Pedro nang takpan sila ng isang makinang na ulap. At mula sa ulap ay narinig ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, ang aking Hinirang; pakinggan ninyo siya.”
PAGSASADIWA
Nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila. ● Ang salaysay tungkol sa pagbabagonganyo ni Jesus ay nagpapatunay na siya ang Anak ng Diyos. Inihahayag nito ang kaluwalhatian ng Diyos at ibinabahagi ito, hindi lamang sa mga alagad, kundi sa atin ding lahat. Katulad ng pagbabagong-anyo ni Jesus ang pagbabagong kailangan din nating pagdaanan. Isa itong panawagan sa tuluy-tuloy na pagbabago, isang pagbabagong tungo sa kabanalan. Ang pinakamahalaga sa salaysay ng pagbabagong-anyo ay ang paghahayag kay Jesus bilang “ang aking Anak, ang Minamahal.” Tinatawag tayo ng Ama upang makinig kay Jesus. Hindi tayo mga tagasunod lamang ng Panginoon. Kailangan nating makinig at isabuhay ang Salita sa ating pang-araw-araw na pamumuhay