Pagbabakuna sa senior citizen ng Sinovac, ipinagpatuloy ng Manila LGU

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

ni Mary Ann Santiago

Ipinagpatuloy na kahapon ng Manila City government ang pagbabakuna ng Sinovac sa mga senior citizen ng lungsod.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, matapos na irekomenda ng Food and Drug Administration (FDA) na maaari nang iturok sa mga senior citizen ang Sinovac ay kaagad na rin nilang sinimulan ang muling pagbabakuna sa mga ito kahapon.

Una nang ibinabakuna sa mga senior citizen ang AstraZeneca pero dahil limitado ang supply nito ay natigil ang pagbabakuna sa mga matatanda.

Ang vaccination program sa Maynila ay naka-rollout na sa 18 lugar sa iba’t ibang panig ng Maynila.

Sa kasalukuyan nasa 52,084 frontline workers, senior citizens  at indibidwal na may comorbidities na sa ilalim ng A1, A2 at A3 categories ang nabigyan na ng bakuna sa lungsod simula noong Marso.