Lalaki, inabangan at niratrat, patay

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

ni Danny Estacio

CANDELARIA, Quezon — Isang lalaki ang binaril at napatay habang sakay sa kaniyang motorsiklo nang hindi pa nakikilalang salarin sa Maharlika highway, Barangay Bukal Sur, nitong Martes ng gabi sa bayang ito.

Ang biktimang si Emerson Antonio de Alday ay patay na nang idating sa Candelaria District Hospital sanhi ng mga tama na bala sa kanyang katawan.

Nakatakas naman ang suspek matapos ang ginawang pananambang sa biktima.

Dakong 7:35 ng gabi, sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo na marahan ang pagpapatakbo at pagsapit niya sa naturang lugar ay sumulpot ang suspek at binaril siya nang makailang ulit.

Nagsasagawa ng hot pursuit operation at imbestigasyon ang Candelaria PNP upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan sa suspek.