9 na sasakyan inararo ng truck; 2 patay, 15 sugatan

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Ni Danny Estacio

Patay ang  isang truck driver at kanyang pahinante, at nasugatan ang 15 pang indibidwal nang araruhin ng truck ang siyam na sasakyan hanggang bumangga sa dalawang bahay nang mawalan ng preno sa Quezon Ave, Barangay Lalo, Tayabas City, Quezon Provinve nitong Miyerkules ng umaga (Abril 7).

Ang nasawi ay sina Jeffrey Melchor Ferreras, 31, binata, driver, at residente ng Bgy. Padpad, San Nicolas, Concepcion Tarlac, at kanyang pahinante na si Junathan Bacximen Simballa, 44, at residente ng Barangay 275, Binondo Manila.

Sugatan naman sina Jerwin Mendoza Enriquez, 42; Leonilo Sumilang Tabarina, 44; Robin De Los Reyes, 28; Digna Imatong, 68; Regidor Baasis, 43; Ramelito Calupig, 37; Jessie Palma, 33; John Paulo Lavado, 22; Jayson  Palines, 27; Reynaldo  Martinez, 43; Gaudencio Gutierrez, 54; Zenaida Nolasco, 46; Ricky Mesa De Araw. 50; Marissa Leonar Cagbay, 53 at Jaybee Bulangis, 12.

Ang mga sasakyan na nasangkot sa insidente ay kinabibilanagan ng Izusu Elf truck, apat na tricycle, dalawang motorsiklo, at dalawang kotse.

Dakong 8:55 ng umaga, minamaneho ni Ferreras ang truck na may plakang YHD 913, sa pababang bahagi ng nasabing lansangan patungong city proper.

Dahil sa mabilis ang takbo ay nawalan umano ng preno ang truck at sinagasa ang mga nadaraanan na mga sasakyan.

Nagtuloy-tuloy ang truck hanggang sa bumangga sa isanf magkatabing bahay.

Isinugod ang mga sugata ng mga nagrespondeng miyembro ng Tayabas City MDRRMO, Bureau of Fire Protection, Tayabas City PNP sa Tayabas Community Hospital.

Naipit naman ang dalawang driver at ang pahinante sa loob ng kanilang truck at hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan.