Nakagugulat ang matinding paglaki ng bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa Pilipinas, partikular noong Biyernes Santo. Sumipa ito sa 15,310 kaso kung kaya ang naging kabuuang bilang ng mga tinamaan ng virus ay umabot sa 771,497.
Batay sa tala ng Department of Health (DOH), ang aktibong kaso ay 153,809 o 19.9% ng kabuuang bilang. Ang bagong mga gumaling ay 434 kaya naging 604,368 samantalang naging 13,320 ang mga pumanaw matapos makapagtala ng bagong 17 kaso ng pagkamatay.
.
Hanggang sa sinusulat ko ito, hindi pa batid kung ang mahigit sa 15,000 kaso ng Covid-19 ay madaragdagan pa o bababa na. Naniniwala ang UP OCTA Research Group at ang mga eksperto sa DOH na malaki ang posibilidad ng pagbaba ng mga insidente ng impeksiyon dahil sa ipinaiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) at sa apat na probinsiya— Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal. Pinapayuhan din ng mga eksperto sa kalusugan na panatilihin ang pagtalima sa health protocols ng DOH upang masawata ang pananalasa ng virus na walang iginagalang na nilalang sa balat ng lupa. Ano nga ba ang mga patakarang ito sa kalusugan? Uulitin natin: Laging paghuhugas ng mga kamay, pagsusuot ng face mask,/shield, pagsunod sa tamang agwat (physical distancing), pag-iwas sa maraming tao, at pag-iwas sa malalaking pagtitipon. Itatanong uli natin: Mahirap bang sundin ito para sa ating kalusugan? Napakasimple lang ng mga health standard na kung lagi lang nating susundin ay tiyak na malalabanan natin ang laso at bagsik ng virus na itong kayrami nang pinatay sa buong mundo, pinilay ang mga ekonomiya at inalisan ng trabaho ang milyun-milyong manggagawa. Bert de Guzman