Pulis, patay sa Isabela accident

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

ni Fer Taboy

Namatay ang isang babaing pulis habang nasugatan naman ang limang kasama at dalawaang sibilyan matapos nang aksidenteng pumutok ang gulong ng sinasakyang mobile police car sa national highway sa Sinsayon, Santiago City sa Isabela, nitong Sabado ng hapon.

Sa ulat ng pulisya, dead on the spot si Patrolman Archelle Duldulao, miyembro ng City Mobile Force Company na naka-base sa Santiago City, dahil sa pinsala sa ulo at katawan.

Ang insidente ay naganap sa national highway sa Bgy. Sinsayon, dakong 4:20 ng hapon.

Patungo sana sa Cordon sa nasabing lalawigan, ang grupo ni Duldulao upang magbigay ng road security sa isang VIP (very important person) nang maganap ang aksidente.

Habang binabagtas ng Toyota Hilux na mobile car ang lugar ay bigla na lamang sumabog ang isa gulong nito sa unahan kaya nawalan ng kontrol ang driver nito na si Corporal Berna Austria na sakay sina Duldulao, Patrolman Pauline Carlos, Cpl. Kacelyn Tarayao at Patrolman Riza Mae Laureta.

Dahil dito, sumalpok ang mobile car sa tatlong kasalubong na kotse at motorsiklo at tricycle.

Kaagad namang isinugod sa ospital ang nasabing apat na pulis.