‘Gamot’ vs COVID-19, nabuking sa Parañaque

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni ARGYLL CYRUS GEDUCOS

Sinalakay ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang isang bodega kung saan nakatago ang mga iimported at ipinagbabawal na produktong nagkakahalaga ng P9 milyon, kabilang na ang umano’y gamot laban sa coronavirus disease 2019, kamakailan.

Ayon sa BOC, kabilang sa mga nakumpiska ang Lianhua Qingwen na sinasabing gamot para sa nabanggit na virus, sigarilyo, at iba pang inangkat na produktong mula sa China.

“We will need to do inventory, but most of the goods are Lianhua Qingwen which is used as medicine for COVID-19,” pahayag ni Alvin Enciso, hepe ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa Manila International Container Port.

Paliwanag ng opisyal, sinugod nila ang nasabing bodega/storage facility sa Sunrise Street, Tambo, nitong Biyernes sa bisa ng Letter of Authority na pirmado ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Kasama aniya sa operasyon ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU).