Construction worker, pisak sa crane truck

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

ni Liezle Basa Iñigo

Kalunus-lunos ang naging kamatayan ng isang trabahador nang madurog ito matapos masagasaan ng isang crane truck habang ito ay natutulog sa Bgy. Baay sa naturang bayan, nitong Sabado.

Kinilala ni Staff Sgt. Hercules Salinas, Jr., may hawak ng kaso, ang binawian ng buhay na si Jimuel Florante, 22, construction worker ng TJV Velasco Construction and Supply at taga- Dampigan, Sta. Rita, Samar.

Binanggit ni Salinas sa kanyang imbestigasyon, bago ang insidente ay natutulog sa isang plywood si Florante sa ilalim ng crane truck nang bigla itong paandarin ng pahinante na si Jaime Fernandez, 27, taga-Dinalaoan, Calasiao, Pangasinan.

Pinatakbo aniya ni Fernandez ang crane na nagresulta sa pagkapisak ni Florante. “Dapat after lunch pa ang work pero mukhang napaaga at pinaandar na ng suspek ang truck crane at ‘yun nasagasaan niya ang biktima at namatay noon din,” pahayag ni Salinas. Sa kabila nito, pumapayag ang pamilya ni Florante na makipag-ayos sa pamilya ni Fernandez .