Angelica, nainggit sa halikan nina Arci at Paulo

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

MULING malilito ang puso ni Emman (Paulo Avelino) dahil sa pagkakaipit niya sa pagitan ng dalawang dating kasintahan, dahil mahuhuli siya ni Celine (Angelica Panganiban) na nakikipaghalikan kay Sam (Arci Muñoz) ngayong Biyernes (Enero 15) sa Kapamilya teleserye na Walang Hanggang Paalam.

Pagkatapos makitang naghahalikan sina Emman at Sam, lalong makukumbinsi si Celine na kaya ayaw nang maniwala ni Emman na buhay pa ang anak nilang si Robbie ay dahil naka-move on na ito sa piling ni Sam.

Sakit naman ang idudulot nito sa dalawang babae lalo pa’t bumabalik na ang pagtingin ni Celine kay Emman, at si Sam naman ay patuloy na umaaasang mahalin din siya nito.

Magkakaroon ng komprontasyon sa pagitan nila, at hihirit naman si Sam kay Celine ng, “Iniwan mo na si Emman kaya wala kang karapatan na magalit ngayon.

Samantala, patuloy pa ring pinapaikot ni Anton (Zanjoe Marudo) ang isipan ng dati niyang fiance na si Celine at pilit pa rin pinagtatakpan ang kanyang mga kasalanan bilang mastermind ng sindikatong kumidnap at pumatay kay Robbie.

Muli kayang talikuran ni Celine si Emman para paniwalaan si Anton? Magawa kaya ni Emman na kalimutan na si Celine at mahalin si Sam?

Panoorin ang Walang Hanggang Paalam sa A2Z channel sa free TV at sa digital TV boxes gaya ng ABS-CBN TVplus.

Mapapanood pa rin ito sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel, sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com.

-MERCY LEJARDE