GF, binaril ng ex-U.S. Navy, patay

Filed under Balita, Probinsya Balita RSS RSS Feed

PANGASINAN – Arestado ang isang retiradong United States (US) Navy matapos na barilin at mapatay ang kanyang kasintahan na kapapanganak lamang sa kanilang sanggol sa Barangay Macayug, Mangaldan sa nasabing lalawigan, nitong Miyerkules ng hapon.

Nasa kustodiya na ng Mangaldan Police Station ang suspek na nakilalang si Rommer Gonzales, 40, may kinakasama, at taga-Bgy. Embarcadero sa nasabing bayan.

Sa report ng pulisya, bago inaresto si Gonzales, pinagbabaril muna nito ang kanyang girlfriend na si Maria Theresa Ambas, 39, sa bahay ng huli sa Bgy. Macayug sa nasabi ring bayan, dakong 1:30 ng hapon na nagresulta sa pagkamatay nito.

Sinabi ng pulisya, dumating ang suspek sa bahay ng biktima sakay ng isang motorsiklo at bigla na lamang pinaputukan ang huli.

Binanggit ng pulisya na posibleng love triangle at kustodiya ng kanilang sanggol ang motibo sa pamamaslang.

Bago pa maganap ang insidente, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa batay na rin sa pag-uusap ng mga ito sa social media, ayon sa pulisya.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng bal ang hindi pa mabatid na baril.

Nahaharap na ang suspek sa kasong murder.

-LIEZLE BASA IÑIGO