Senior citizen, tiklo sa ‘loteng’

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Isang senior citizen na umano’y kubrador ng sugal na “loteng” ang inaresto ng mga awtoridad, kasama ang isa pang mananaya sa ikinasang ‘Oplan Galugad’ sa Pasay City, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na sina Veronica Dizon, 65, at taga- 139 Saint James Street, Barangay 179, Maricaban, Pasay City at Fe Guerrero, 55, dalaga,at taga-St. Peter St., sa nabanggit na lungsod.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), ang dalawa ay inaresto sa isinagawang Simultaneous Enhanced Managing Police Operation (SEMPO) St. Peter St., Bgy. 179 Maricaban, dakong 6:30 ng gabi.

Nasa akto umanong nagpapataya si Dizon kay Guerrero nang matiyempuhan sila ng mga pulis kaya sila dinakip.

Sasampahan ang dalawa ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o Anti-Illegal Gambling Law.

-Bella Gamotea