Direk Edong, proud sa tambalang Geoff at Ynna

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

DALAWANG rason kung bakit pumayag si direk Eduardo Roy, Jr. (or direk Edong to some friends) na tanggapin ang offer ng EBC’s (Eagle Broadcasting Corporation) Net 25 sa proyektong Ang Daigdig Ko’y Ikaw na pinagbibidahan nina Geoff Eigenmann at Ynna Asistio.

Una, nagandahan daw si direk Edong sa istorya. At pangalawa’y ang scenic location ng Las Casas Filipinas de Azucar sa Bagak, Bataan kung saan naganap ang kanilang lock-in taping.

“‘Yung idea na na-lockdown sila (Romer del Mundo- character ni Geoff- at Reina Dimayuga- role ni Ynna) sa isang lugar at sa Las Casas- one month ako roon- parang bakasyon tapos the story na parang dahil na-lockdown sila, ‘yung dalawang bida na hindi nagkakaunawaan, they need to resolve their past and ‘yun ang pinakamagandang kuwento at ‘yun nagpa-hook sa akin kung bakit ako napapayag na i-direk ito,” simula ng multi-awarded director.

Ngayon lang mapapanood sa telebisyon ang tandem nina Geoff at Ynna at para sa direktor, okay sa kanya ang tambalang ito.

“Si Geoff sobrang bilib ako bilang ang parents (Michael de Mesa at Gina Alajar) niya ay dalawang mahuhusay na aktor at direktor.”

“Sobrang suki na rin siya sa mga TV dramas, sanay siyang umarte sa TV. Alam niya ang blocking, ang marking niya, ang ilaw. As an actor, may isang eksenang may actor’s cue ako. Wala pang 10 seconds, umiiyak na. Magaan siyang ka-trabaho,” pagmamalaki ng direktor sa kanyang aktor.

Sa kuwento ni direk Edong, kasado na si Geoff bilang leading man nu’ng umapir siya sa meeting at batay naman sa rekomendasyon ni Anjo Yllana (host ng Happy Time kasama sina Janno Gibbs at Kitkat) si Ynna.

Aprubado naman ng direktor si Ynna bilang bidang babae sa serye at para sa kanya, “Nag-go-grow siya sa iyo! I have worked with her sa Ipaglaban Mo. Sa una, parang ang ordinary niya lang tingnan pero habang tumatagal, lumalabas ang charm niya.” “‘Yung pagiging mahusay niyang artista lumalabas lalo na kapag napupokpok mo ‘yung eksena niya and very happy ako na nabigyan siya ng chance na magbida,” tinuran ng direktor ng kauna-unahang romantic drama ng Net25. Sabi nila, chemistry is something na mahirap i-fake. It’s either you have it or you don’t. May chemistry ba sina Ynna at Geoff?

“Hindi kasi nadadaya ang chemistry lalo na sa screen,” banggit ng direktor. “Kapag sa mismong shoot na dapat kiligin ka pero walang kilig, kailangan mo ng take 2… Kailangan maraming takes para maramdaman mo ang kilig sa eksena at para maramdaman din ng audience ‘pag ipinalabas sa TV.”

Ang premiere episode ng Ang Daigdig Ko’y Ikaw ay mapapanood ngayong Sabado, 9 ng gabi sa Net25.

Bukod kina Geoff at Ynna, kasama rin sa serye sina Elizabeth Oropesa, Richard Quan, Tanya Gomez, AJ Muhlach, Anna Mabasa-Muhlach, Jiro Custodio at maraming iba pa.

-LITO T. MANAGO