Magkaibigan, isinoli ang napulot na P24,000

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Isang magkaibigan ang nagsauli ng napulot na wallet na may lamang P24,400 cash at tatlong ATM cards sa loob ng sinasakyang bus sa Valenzuela City.

Humanga ang Valenzuela Police sa katapatan nina John Lowel Parina, 33 anyos, at Vincent Portes, 23, kapwa residente ng De Gula Compound, Barangay Gen. T. De Leon ng lungsod.

Pababa na ang magkaibigan sa Paso De Blas, Valenzuela City nang mapansin sa lapag ang isang wallet.

“Galing po kami sa pag-aaply ng trabaho at nakita namin yung wallet kaya kinuha na namin kaysa sa iba pa ang makadampot,” anila.

Pag-uwi ng bahay , ibinigay ni Vincent sa kanyang ina ang wallet na kaagad namang tumawag kay PLt. Ritchie Garcia, head ng Police Sub-Station 1 ng Valenzuela Police.

Sa police station, nalaman ang pangalan ng may-ari ng wallet na si Cel Jhon Santiago 24, working student sa Univesity of Manila at assistant manager sa isang restaurant, nakatira sa 8th Avenue, Caloocan City.

Pinuntahan nina PMsg. Joselito De Leon, PSSg. Timoteo Garing at PCPl. Rosaro Cruz ang address ni Santiago at ibinalik ang pera nito.

Labis na nagpasalamat ang working student kina John Lowell at Vincent dahil kahit pandemya ay nanaig pa rin ang kanilang katapatan. “Salamat po talaga sa kanila kasi pang tuition ko ‘to eh,” sambi ni Santiago.

Orly L. Barcala