Espejo, lalaro sa Bahrain

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

UMUKIT ng kasaysayan sa Philippine volleyball si Marck Espejo bilang unang Filipino volleyball player na nakapaglaro sa tatlong magkakaibang bansa.

Ang 5-time UAAP MVP ay nagtungo ng Bahrain noong Huwebes ng hapon para maglarp sa koponan ng Bani Jamra sa Bahrain League.

Magsisilbing import ang 23-anyos na spiker para sa Bani Jamra hanggang Enero 30.

“Itong league siguro sobrang mag-boost ng career ko ito if mag-boom ako doon. Kasi gulf area magandang exposure yon para sa akin,” ani Espejo sa panayam sa kanya ng SPIN.ph.

Magsisimula ang Bahrain first Division League bukas-Linggo kung saan sasabak ang Bani Jamra sa 8-team field na kinabibilangan ng Al Muharraq, Al Ahly, Al Najma, Dar Kulaib, Al Nasr, Al Busaiteen at A’ali.

Ito ang ikatlong overseas stint para kay Espejo matapos nyang maglaro sa Japan V.League bilang import ng Oita Miyoshi at sa Visakha Volleyball Club sa Thailand League na pinaikli ng COVID-19 pandemic.

Huling naglaro si Espejo dito sa bansa noong nakaraang taon kung saan pinamunuan nito ang Philippine men’s volleyball team na nagwagi ng makasaysayang silver medal sa 30th Southeast Asian Games.

-Marivic Awitan