Magno, kumpiyansa sa Olympic tilt

Filed under Boxing Balita RSS RSS Feed

Sa kabila ng kakulangan sa physical na pagsasanay dulot ng lockdown, kumpiyansa si women boxing champion Irish Magno sa magiging laban sa Tokyo Olympics sa Agosto.

Ayon kay Magno, hindi magiging hadlang ang COVID-19 pandemic upang tupdin ang matagal na niyang pangarap bilang atleta – mabigyan ng Olympic gold ang bayang Pilipinas.

“That’s really my dream of a lifetime. Gagawin ko ang lahat para manalo sa Olympics at makapagbigay nang karangalan sa ating bansa,” pahayag ni Magno sa kanyang pagbisita sa “Usapang Sports on Air” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) via Zoom nitong Huwebes.

Iginiit ng 29-anyos na pambato ng Janiuay, Iloilo na kahit sa bahay tuloy lamang siya sa kanyang ensayo at ginagawa ang mga payo at leksiyon ng kanyang mga coach at trainer.

“Lahat ng kailangang training ay ginagawa namin ngayon sa tulong ng aming mga coaches, like Coach Boy Velasco,” ani pa Magno, ikalawang boxer at ikaapat na Pilipinong nakasigurado na ng tiket para sa Tokyo Olympics.

“Medyo lamang yung mga kalaban ko dahil sa kanilang bansa wala nang lockdown kaya nageensayo na sila. Pero sabi po ng PSC malapit na rin daw payagan ng IATF ang amateur sports kaya malaking bagay ito sa amin,” aniya sa program ana itinataguyod ng Philippine Sports Commission, PAGCOR at Games and Amusements Board (GAB).

Optimistiko si Magno, higit at nakaharap na niya at nakita ang mga istilo ng mga posibleng makaharap niya sa Olympics.

“Hindi ko pa alam yun pangalan, pero yun Chinese boxer magaling din,” tinuran ni Magno, na nag-qualify sa Olympics via unanimous decision victory laban kay Sumaiya Qosimova ng Tajikistan sa kanilang boxoff sa nakaraang Asia Ocenia Olympic boxing qualifier sa Amman, Jordan nitong Marso.