Paunahin ang nagpapakabit ng RFID — TRB

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Nanawagan ang Toll Regulatory Board (TRB) sa mga motorista na ‘occasional’ o madalang lamang na gumamit ng toll roads na paunahin na muna ang mga motoristang regular na gumamit ng toll roads, sa pagpapakabit ng RFID stickers upang maiwasan ang pagkakaroon ng buildup ng mga sasakyan sa toll plazas.

Ang pahayag ay ginawa ni TRB spokesperson Julius Corpus kasunod ng 10-oras na pagpila ng mga nagpapadikit ng RFID stickers sa kanilang mga sasakyan nitong Sabado.

Ayon kay Corpus, kung paminsan-minsan lamang na gumagamit ng expressway ay maaaring ipagpaliban muna ng mga ito ang pagpapakabit ng RFID at huwag nang sumabay sa mga motoristang regular na gumagamit ng toll roads.

“‘Yung hindi naman po regular users ng ating mga expressway, puwede pa naman nilang ipagpaliban ang pagpapakabit ng RFID sa kanila at huwag munang sumabay dito sa mga talagang gumagamit,” pagdidiin ni Corpus, Inihayag ni Corpus na tuluy-tuloy pa rin naman ang instalasyon ng mga RFID stickers kahit pa magsimula na ang pag-iral ng 100% na cashless payment scheme sa mga expressways sa Nobyembre 2.

-MARY ANN SANTIAGO