Parak na nahulihan ng ‘hot’ car, sinibak

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Sinabak na ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major Gen. Debold Sinas, sa puwesto ang isang pulis na naaresto matapos maaktuhang minamaneho ang isang carnapped vehicle sa Quezon City, kamakailan.

Pansamantalang nasa kustodiya ng Regional Personnel Holding and Accounting Unit (RPHAU) ng NCRPO si Master Sgt. Danilo Pacurib, 47, nakatalaga sa Payatas Police Station ng Quezon City Police District.

Sa imbestigasyon, papasok na sana sa trabaho si Pacurib nang harangin ng mga tauhan ng Highway Patrol Group dahil sa minamanehong nakaw na Hyundai Sante Fe.

Si Pacurib ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 (New Anti-Carnapping Law) at Presidential Decree 1612 (Anti-Fencing Law).

Agad namang dinisarmahan ang nasabing pulis at isinailalim sa drug test.

Inaalam na rin ng pulisya kung sinu-sino ang mga kasabwat ni Pacurib.

Fer Taboy