GAB IS GOOD — AGUILAR

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

MAKABUBUTING dagdagan na lamang ang taunang budget ng Games and Amusements Board (GAB) imbes na gumasta ng milyones para magbuo ng hiwalay na ahensiya na mangangasiwa sa boxing and combat sports.

Iginiit ni Alvin Aguilar, founder ng Philippine Mixed Martial Arts MA) at organizer ng Universal Reality Combat Championship (URCC) na nagagampanan ng GAB ang tungkulin at responsibilidad sa pro sports at sa mga atleta sa kabila ng limitadong budget nito.

Patuloy na isinusulong ni Senator Pacquiao ang pagbuo ng Philippine Boxing and Combat Sports Commission na naglalayon umano na pangasiwaan ang kaunlaran ng boxing at combat sports, gayundin na maprotektahan ang mga atleta.

Batay sa proposal, ang PBCSC ay bubuuin ng isang Chairman at tatlong Commissioner, hiwalay pa ang regional directors. Ang proposed budget ay P150 milyon, katumbas sa nakukuhang budget ng GAB kada taon.

“Look, at this time even in pandemic, GAB work and responsive to the call on helping professional boxers and combat fighters who were displaced and lost their livelihood during lockdown. Under minimal budget, GAB extend help to the needy athletes while putting premium to sports development,” pahayag ni Aguilar, pangulo rin ng Wrestling Association of the Philippines (WAP).

“Isipin ninyo kung mas malaki ang budget ng GAB, hindi ba’t mas marami pa ang makikinabang ng tulong at mas mapalalakas ang mga programa nito na sa ngayon ay kinikilala ng International community. Nagpapasalamat kami sa malasakit ni Sen. Pacquiao sa boxing at combat sports, but so far, we’re good with GAB” sambit ni Aguilar.

Bukod sa pagiging aktibo sa kanyang career sa boxing, itinatag rin ni Pacquiao ang MP Promotions para pangasiwaan ang career ng ilang outstanding Pinoy fighters tulad ni Tokyo Olympics-bound Eumir Felix Marcial. Nitong 2014, naging kasosyo rin si Pacquiao ng ONE Championship – ang Singapore-based mixed martial arts promotion.

Nitong Huwebes, nagsagawa muli ng online meeting si Pacquiao hingil sa naturang isyu at muli, iginiit ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra na patuloy na nakatatanggap ng papuri ang ahensiya mula sa iba’t ibang international boxing bodies hingil sa mga reporma at programa na isinulong ng GAB sa nakalipas na mga taon at pananatiling aktibo sa panahon ng pandemya.

“Hindi kami nagpapabaya, tuloy lang sa trabaho. Kahit pandemic, tuloy kami sa pagmonitor sa kalagayan ng ating mga atleta at pakikipag-ugnayan sa Inter-Agency Task Force (IATF) na kagyat naman tumugon sa aming pangangailangan at rekomendasyon,” sambit ni Mitra.

Sa kabila nang patuloy na pakikibaka ng pamahalaan para maabatan ang COVID-19 pandemic, napahintulutan na ng IATF ang pagbabalik ng professional basketball, football, horseracing, boxing at combat sports. Nitong Miyerkoles, pinayagan na rin ng IATF ang sabong at Off-track betting (OTB) sa karera bunsod ng kumbinsidong ‘health and safety’ protocol na naisumite ng GAB.

“Kami naman po sa GAB trabaho lang at hindi tayo magpapabaya para sa ating mga atleta. Maayos ang atinhg trabaho at patunay dyan ang mataas na rating na ibinigay sa GAB ng Commission on Audit,” sambit ni Mitra.

Bukod kay Aguilar, nagbigay na rin ng suporta sa GAB abg iba’t ibang boxing group, promoters association, gayundin ang buong komunidad ng combat sports, kabilang ang Muay Thai Association of the Philippines (MAP) na pinamumunuan ni Gen. (ret.) Lucas Managuelod.

“The Philippine mixed martial arts movement starter with the Games and Amusement Board (GAB) since 2003. They have always been integral in ensuring the safety of the fighters ever since they have been governing the sport. All concerns regarding the fighters, promoters, managers and even the ring announcers have been monitored completely by their office,” pahayag ni Aguilar.

-Edwin Rollon