Senior citizen, binoga, todas

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

SARIAYA, Quezon – Patay ang isang senior citizen na nakaangkas sa isang motorsiklo nang barilin ito ng isa ring nakamotorsiklo na senior citizen na nakasagian nila sa kalsada sa Barangay Tumbaga 1 sa nasabing bayan, nitong Huwebes ng hapon.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Lucena United Doctor’s Hospital ang biktimang si Danilo Ramos, 63, dahil sa tama ng bala sa katawan.

Nakaligtas naman sa pamamaril ang kasamahang angkas na si Felomina Manimtim, 62, kapwa taga-Purok 5, Bgy. Mamala 2 ng nasabing bayan. Agad namang naaresto ang suspek na si Menandro Baliwag, 67, caretaker ng farm at taga-Bgy. Tumbaga 1 ng nasabing bayan, matapos makorner ng mga bgy. police.

Naiulat na pauwi na ang mga biktima at nakaangkas kay Rosalito delos Santos nang magkasagian sila ng suspek na sakay din ng motorsiklo sa nasabing lugar.

Dahil sa insidente, agad na pinaharurot ng suspek ang kanyang motorsiklo at nang mahabol ito ng mga biktima ay bigla na lamang silang binaril ni Baliwag na ikinamatay ni Ramos.

Nakakulong na ang suspek na nahaharap sa kasong kriminal.

-DANNY ESTACIO