Hinagpis ni Felix!

Filed under Features, Sports Balita RSS RSS Feed

Ni Dennis Principe

MAINGAY ang lahat ng makamit ni Eumir Felix Marcial ang Olympic boxing slot para sa naiurong na Tokyo Games. Sa kanyang paglisan patungong Amerika para magsanay at maghanda, nakabibingi ang katahimikan, at tila taingang-kawali ang mga opisyal ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP).

Hindi naitago ni Marcial ang pagkadismaya bunsod nang tila kawalan ng suporta ng ABAP sa kanyang paghahanda para sa Tokyo Olympics na nakatakda sa Hulyo 23-Agosto 8, 2021. Naiurong ito matapos salantain ng COVID-19 virus ang buong mundo.

Tunay na isang ganap na professional fighter na ang 24-anyos na si Marcial, ngunit bago pa man siya lumagda ng kontrata sa MP Promotions ni Senator Manny Pacquiao, ipinangako niyang prioridad ang kanyang paglahok sa Olympics na isang katuparan nang matagal ng pangarap at kung palarin, maibigay ang kauna-unahang gintong medala sa bansa.

“Gusto ko sana na makasama si (ABAP coaching consultant) coach Don (Abnett) sa training ko sa US kaya nag-request ako sa ABAP kung pwede ko siya makasama pati si (head) coach Ronald (Chavez). Sabi naman nila ‘sige tignan natin’. Two weeks, three weeks, wala pa desisyon kaya nagdesisyon na ako na mag-isa bumiyahe sa US,” pahayag ni Marcial bago tumulak patungong Los Angeles nitong Linggo.

Sa kasalukuyan, tanging ang middleweight campaigner na si Marcial, kapwa boxer na si Irish Magno, pole vaulter EJ Obiena at gymnast Carlos Yulo ang Pinoy na kwalipikadong makalahok sa Tokyo Games.

Bilang respeto at tiwala sa kakayahan, ninais ni Marcial na maging bahagi ng kanyang pagsasanay sina  Abnett (coach) at Chavez (trainor).

“Siguro nga masama loob ng ABAP o kung ano man ang dahilan nila kaya sila ganiyan kasi nga nag-pro na ako. Pero since last year pa sinabihan ko na sila mag-pro na ako at gusto ko din naman sila ang kasama ko at tumulong sa akin kasi kahit pro na ako, Olympics pa din ang focus ko kasi nga pwede naman mag-Olympics kahit professional na ako,” sambit ni Marcial.
Sa kampo ni legendary at boxing hall-of-famer Freddie Roach mamamagi si Marcial na umaasa na masisimulan ang programa para s akanyang paghahanda hindi lamang bilang pro fighter bagkus isang kompetitibong Olympian.

 

“Malapit na yung Olympics and until now, puro virtual training lang kami sa ABAP. Bilang respeto sa kanila, naghintay lang ako ng ano ba plano nila sa akin kasi nga, qualified na ako sa Olympics at isip ko, under pa din ako ng ABAP. Halos two months na ako nag-coodinate sa kanila pero parang wala pa din plano sa akin kaya nagdesisyon na ako na mag-training sa US,” ayon kay Marcial.