Dagdag na P510 milyon para sa mga atleta

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

HUMIRIT ng dagdag na P510 milyon pondo si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino upang makatulong sa paghahanda at pagsasanay ng atletang Pinoy para makamit ang kauna-unahang Olympic gold medal sa 2021 Tokyo Games.

“Tokyo could be that host city where the country could win not one, not two but probably more Olympic gold medals in 2021,” ayon kay Tolentino, Congressman ng ika-8 distrito ng Cavite.

Ipinaliwanag niyang kailangan ng mga atletang Pinoy ang lahat ng suporta mula sa gobyerno sa layuning matamo at mapagtagumpayan ang matagal nang ninanais na tagumpay sa quadrennial meet.

Para kay Tolentino, haharap sa eleksiyon ng POC sa Nobyembre 27 laban kay Clint Aranas (archery), hindi makakaangat ang atletang Pinoy kung hindi mabibigyan ng higit pa sa kinakailangan nilang suporta.

Umaapela siya sa gobyerno na bigyan ng dagdag na P510 million ang pondo ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa elite sports sa 2021, kung saan nakatakda ring sumabak ang atletang Pinoy sa nalalabi pang Olympic qualifying tournaments; Southeast Asian Games at Para Games sa Hanoi, Vietnam, gayundin ang Asian Indoor at Martial Arts Championship.

“The PSC needs the full support of Congress—the House and Senate—because 2021 is the year when the Olympic gold medal beckons. I am confident that elusive gold medal will be achieved in Tokyo,” sambit ni Tolentino.

-Bert de Guzman