Apat na sports, nadagdag sa Vietnam SEAG

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

PINASALAMATAN ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino ang organizing committee ng 2021 Vietnam Southeast Asian Games sa pagpayag na maidagdag ang apat na sports sa 2021 edition.

Tatlo sa nasabing apat na sports na idinagdag ay kabilang sa mga events kung saan humakot ng maraming gold medals ang Pilipinas noong nakaraang 2019 Philippines SEAG.

Ang nasabing tatlong events ay ang jiu jitsu, triathlon at esports na kasama ng bowling ay nadagdag sa 40 sports na kabilang sa kalendaryo ng susunod na taong biennial games.

“I am grateful to the Vietnam Organizing Committee for approving our request for the inclusion of these four sports,” ani Tolentino sa ipinalabas nitong statement nitong Huwebes.

Nagwagi ang mga Pinoy athletes ng 5 gold medals sa jiu jitsu at tig-3 sa triathlon at esports sa nakalipas na edisyon kung saan nanalo ng kabuuang 149 gold medals ang Pinoy delegation para makamit ang overall championship.

Inaprubahan ang pagkakadagdag ng nasabing apat na sports sa nakaraang online meeting. Ayon kay, Tolentino dalawa pang sports ang inila-lobby ng POC sa Vietnam organizers.

“By God’s grace, perhaps sambo and skateboarding will be in next year’s SEA Games,” aniya.

Nanalo ng dalawang golds ang mga Filipino athletes sa sambo at 6 naman sa skateboarding sa pangunguna ni Asian Games gold medalist Margielyn Didal sa 30th SEAG.Ang 2021 SEA Games ay nakatakdang idaos sa Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2 sa Hanoi kung saan tatangkaing maidepensa ng Pilipinas ang kanilang pagiging overall champion.

-Marivic Awitan