Eala, umakyat sa No.2 sa ITF World Rankings

Filed under Sports, Tennis Balita RSS RSS Feed

HINDI man nagkampeon, wagi sa world ranking si Globe Ambassador Alex Eala sa pag-angat sa No.2 matapos ang impresibong kampanya sa katatapos na Juniors Tournament ng 2020 French Open sa Paris, France.

Sa pagiging NO.2 sa world ranking, tinanghal si Eala na kauna-unahang Filipina tennis player sa kasaysayan na nakaabot sa pinakamataas na ranking.

“We would like to congratulate Alex Eala on her remarkable achievement in the Roland Garros. We always believed that Alex is destined for success because of her passion, determination, and discipline to improve further. In these challenging times, Alex brings a bright spark of hope and inspiration for us Filipinos,” pahayag ni Ernest Cu, Globe President and CEO.

Nabigong makalaro sa center court si Eala sa isa sa major tennis tournament sa mundo nang maungusan sa semifinals ni crowd-favorite at local bet Else Jacquemont.

Naisalansan ng 15-anyos na si Eala ang kabuuang 2148.75 puntos para sumirit sa No.2 mula sa matikas na No.4 position.

Nakuha ni Jacquemont, ang eventual 2020 French Open Junior champion, ang No.1 spot tangan ang kabuuang 2261.25 puntos.

Impresibo ang ratsada ni Eala sa Roland Garros sa straight-sets win kontra Natalia Szabann ng Hungary, 6-4, 6-1; Mara Guth ng Germany, 6-1, 5-7, 6-4 at Leyre Romero ng Spain, 6-1, 4-6, 6-1. Nakabawi si Eala mula sa unang set na kabiguan para gapiin si Linda Noskova ng Czech Republic, 4-6, 6-3, 6-2 para makausad sa Final Four.

Nabura ni Eala ang dating tinapos sa Grand Slam singles event (third round) sa French Open sa nakalipas na taon. Kasangga su Indonesian Priska Nugroho, nakamit ni Eala ang 2020 Australian Open Juniors doubles title. Nakabase sa Spain si Eala bilang iskolar ng Rafa Nadal Academy sa Mallorca. Kinilala siyang Globe Ambassador mula noong 2013.