Women baseball team, handa sa World Cup

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

TULOY ang ensayo at paghahanda ng Philippine Women’s Baseball team para sa nakatakdang Women’s Baseball World Cup Nobyembre 12-21 sa Tijuana, Mexico.

Masigasig na nagsasanay ang koponan ni national head coach Edgar “Egay” De Los Reyes sa pamamagitan ng online training programs sa ilalim ng zoom applications, kaantabay ang pag-aaral ng mga magagandang diskarte at plays, gayundin ang panonood ng iba’t ibang laro upang makakuha ng mga bagong impormasyon at kaalaman sa istilo ng mga karibal.

“Hindi natin alam baka payagan na tayong maglaro sa abroad at kami naman ay handa sakaling matuloy ito,” sambit ni Delos Reyes.

Gayunpaman, bukod sa pag-alalang iniisip na may posibilidad na maiurong o makansela ang biennial tournament, malaking abala rin sa kanila ang kakulangan ng aktuwal na pagsasanay dahil sa ipinagbabawal pa ang pag-eensayo ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID).

“Malaki talaga ang possibility na ma-move ang World Cup this year. Inaantay lang talaga namin kung ano ang magiging decision ng aming International Federation,” pahayag ni De Los Reyes sa lingguhang TOPS: Usapang Sports On Air na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Amusment and Gaming Corporation (Pagcor).

“Pero ganun pa man po ay tuloy-tuloy lang ang aming pagte-training kase if ever na ilipat ng venue ay ready pa rin kami,” aniya.