PBA, binigyan ng diskwento sa ‘bubble’ sa Clark

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

MAKAKATIPID ang PBA sa isasagawang bubble ng liga para sa restart ng kanilang season.

Kumpara sa NBA na gumastos ng $180 milyon para sa kanilang bubble sa Walt Disney Resort sa Florida, malaking diskwento ang makukuha ng PBA mula sa pamunuan ng Clark.

Dahil dito, saludo si Chairman Ricky Vargas, kay PBA Commissioner Willie Marcial dahil nagawa nitong makahanap ng mga sponsors para sa bubble.

Kaugnay nito, nagpasalamat si Marcial kay National Action Plan Against COVID-19 deputy chief implementer at President and CEO ng Bases and Conversion Development Authority na si Vince Dizon sa pagtulong sa kanila upang makakuha ng diskuwento sa hotel na tutuluyan nila at gayundin sa pagkuha ng pahintulot upang maidaos ang mga laro sa Angeles University Foundation Gym.

Kasamang pinasalamatan ni Marcial si Clark Development Corporation President Noel Manankil.

“Nagpapasalamat ako kay Secretary Dizon at sa presidente ng Clark, si Mr. Noel Manankil. Sila po ‘yung malaking tulong sa project na ‘to.”

-Marivic Awitan