Duque, ‘di pa ligtas

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Nagpaliwanag si Justice Secretary Menardo Guevarra sa maraming nagtatanong kung bakit hindi nakasama sa mga inirekomendang sampahan ng reklamo ukol sa mga isyu ng katiwalian sa Philhealth si Health Secretary Francisco Duque III.

Sa isang pahayag, ipinaliwanag ng Kalihim na ang report ng Task Force Philhealth na isinumite kay Pangulong Rodrigo Duterte ay “initial findings” pa lamang. Ani Guevarra, magsasagawa pa ang Task Force ng mas malalimang imbestigasyon at kung may makitang pananagutan ang ilang mga opisyal ng Philhealth, sila ay posibleng masampahan ng reklamo.

Sa listahan ng Task Force Philhealth, hindi kabilang si Sec. Duque na ex-officio chairman ng Philhealth Board sa mga inirerekumendang masampahan ng mga administrative o criminal complaints.

Samantala, naniniwala si Guevarra na walang rasong para makwestyon ang kanilang report dahil nakatuwang ng Task Force ang Office of the Ombudsman, kung saan inaasahang maisasampa ang mga reklamo laban sa mga tinukoy na Philhealth key officers. Ayon kay Guevarra, ang Ombudsman at iba pang constitutional bodies gaya ng Commission on Audit (COA) at Civil Service Commission (CSC) ay dumalo sa mga pulong o pagdinig ng Task Force dahil sila ay naimbitahan para sa kani-kanila ring independent investigations o audit. Dagdag ni Guevarra, hindi naman formal members ng Task Force ang mga nabanggit dahil hindi sila nasa ilalim ng executive department.

Masasabi aniyang “guest participants” ang Ombudsman, COA at CSC sa fact-finding aspect, pero wala silang kinalaman sa evaluation at paglalatag ng rekumendasyon na siyang ginawa ng DOJ.

Beth Camia