LAKERS SA WC FINALS

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

LAKE BUENA VISTA, Florida (AP) — Balik ang Los Angeles Lakers sa conference finals sa unang pagkakataon makalipas ang isang dekada. Muling lalaro sa conference finals si LeBron James makalipas ang dalawang taon.

Naitala ang bagong kasaysayan sa pahina ng prangkisa nang kumana si James ng 29 puntos para sandigan ang Lakers sa 119-96 panalo kontra Houston Rockets at tapusin ang best-of-seven Western Conference semifinal series sa Game Five nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Nag-ambag si Kyle Kuzma ng 17 puntos, kumana si Markieff Morris ng 16, tumipa si Danny Green ng 14 at umiskor si Anthony Davis ng 13 puntos para sa top-seeded Lakers. Haharapin nila para sa conference title ang magwawagi sa duwelo ng second-seeded Los Angeles Clippers at third-seeded Denver Nuggets. Tangan ng Clippers at 3-2 bentahe.

Lalaro si James sa conference finals sa ika-11 pagkakataon sa kanyang career, kabilang ang anim sa koponan ng Cleveland, at apat sa Miami. Ito ang ikasiyam niyang conference finals sa nakalipas na 10 season at kauna-unahan bilang lakers sa nakalipas na tatlong taon.

Nanguna si James Harden sa Houston sa natipang 30 puntos, habang kumana sina Jeff Green at Russell Westbrook ng 13 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sa Eastern Conference Finals, maghaharap naman ang Boston Celtics at Miami Heat. Nakapagpahinga ng todo ang Heat matapos pasukuin ang Milwaukee Bucks sa Game 5, habang ang Celtics ay dumaan sa pahirapang Game 7 para alisan ng korona ang NBA defending champion Toronto Raptors.

Sa takbo ng kaganapan, muling nabuhay ang ‘die hard’ fans ng Lakers at Celtics para sa isa pang sagupaan sa NBa Finals ng dalawang pinakamatagumpay na prangkisa sa liga.