Chambers, nais akayin ang UST Tigers

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

KABILANG na rin si dating PBA Best import at Alaska resident reinforcement Sean Chambers sa nagpahayag ng intension na maging coach ng University of Santo Tomas Golden Tigers.

Sa isang panayam sa online, nilinaw ni Chambers na interesado siya sa posisyon na iniwan ng kontrobersyal na si Aldin Ayo, ngunit wala pa siyang pormal na isinumiteng aplikasyon sa UST Institute of Physical Education and Athletics.

“I have expressed interest. As of the moment, I have not sent a letter,” ani Chambers.

Isa sa rason ani Chambers, kasalukuyang Dean of Students ng Fern Bacon Middle School sa California kung bakit kinukunsidera na mag-apply para sa posisyon ay si dating UST coach Aric Del Rosario na yumao noong Marso 25.

“Coach Aric was truly like a father to me,” pahayag ni Chambers.

Nagkasama si Chambers at Del Rosario mula noong 1991 hanggang 2003 kung saan nagsilbi ang huli bilang head coach ng Growling Tigers at assistant coach ng Alaska.

Nang mga panahong yon, naging resident import ng Aces si Chambers at madalas itong nanunood ng mga laro ng UST.

Hindi na rin bago kay Chambers ang coaching dahil noong 2012 ay naging coaching consultant ng Alaska ang 6-time PBA champion.

Bukod sa pagiging dean sa US, head coach din sya ng Antelope High’s girls’ basketball team at director ng JBS girls’ basketball club.

-Marivic Awitan