Nietes, ‘di pa magreretiro; Olympics, bahagi ng option sa career

Filed under Boxing Balita RSS RSS Feed

SA pagsasara ng ALA Promotions, samo’t saring option ang naghihintay kay Donnie ‘Ahas’ Nietes, ngunit hindi kasama rito ang pagreretiro.

Sa katunayan, ilang malalaking promoters ang nakipag-usap na sa itinuturing ‘longest reigning world champion’ ng bansa at isa ang nag-alok na nagbigay ng interes sa kampeon (42-1-5, 23 KOs).

“Yung isa, gusto ko na i-consider kasi tingin ko may kakayahan sila na mag-offer din sa mga kalaban na gusto ko,” pahayag ni Nietes.

Tumanggi si Nietes na pangalanan ang naturang promosyon, ngunit ang katatagan ng naturang promosyon sa koneksyon at logistics ay may malaking posibilidad para matuloy ang pinapangarap niyang laban kontra sa mga pamoso ring sina Roman ‘Chocolatito’ Gonzalez ng Nicaragua, Juan Francisco Estrada ng Mexico at Srisaket sor Rungvisai ng Thailand.

Bukod dito, sinabi ni Nietes, undefeated sa kanyang world title defense, na may dalawa pang Pinoy promotions, dalawang US company at mula sa London, Dubai at Japan ang nakikipag-usap na rin para sa kanyang pagbabalik aksiyon.

Sinabi rin ni Nietes, tangan ang 17-0-2 win-loss-draw record sa world title fights, na interesado rin siyang maging bahagi ng Philippine Team sa Tokyo Olympics.

“Wala naman pagkakaiba kasi three rounds, puro lang naman bilis and walang lakas sa Olympics,” pahayag ni Nietes, pasok sa featherweight (52-57kg) division sa Olympic boxing.

Huling sumagupa ang pambato ng Murcia noong December 2018 kung saan nagwago siya via decision kay Japanese Kazuto Ioka sa 12-round title fight para sa bakanteng World Boxing Organization (WBO) superflyweight belt sa Macau, China.

Binitiwan ni Nietes, kampeon sa minimumweight, lightflyweight at flyweight divisions, ang titulo para nigyan ng pagkakataon ang kababayan na si Aston Palicte na maging kampeon subalit nabigi to kay Ioka via 10th round TKO nitong Hunyo 019.

“Nanghihinayang ako kasi choice ko talaga na bigyan siya ng title shot kaya lang sana hindi ko na lang pala binakante para champion pa din ako kung alam ko na matatalo lang pala siya,” sambit ni Nietes.

Sa gitna ng pendemic, nanatiling matatag si Nietes at kasalukuyang abala sa sa kanyang buy-and-sell business.

“Sideline muna ng konting negosyo, nagtitinda ako ng mga chorizo, kimchi at saka mga gulay at bigas. Yan ang pinagkaka-abalahan ko during the pandemic,” aniya.

-Dennis Principe