Alas, kinapos ng alas sa Phoenix

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

SINIBAK bilang coach ng Phoenix Super LPG si coach Louie Alas.

Sa isang statement na ini-release ng koponan nitong Biyernes, ipinahayag ng management na hindi na nila ipagpapatuloy ang serbisyo sa kanila ng beteranong coach.

“With the possibility of a PBA restart, the Phoenix Super LPG Fuelmasters have [begun] discussions on its future plans. After much deliberation, management has decided to discontinue Mr. Louie Alas’ services as Head Coach,” anang statement.

Wala namang ibinigay na malinaw na dahilan ang management ng Fuel Masters tungkol sa kanilang desisyon.

Noon lamang nakaraang buwan, pinatawan ng management si Alas ng 15 araw na suspensiyon dahil sa naging paglabag nito sa health protocols habang nasa workout ng koponan.

Halos tatlong taon ding nanungkulan si Alas bilang coach ng Fuelmasters mula noong Oktubre 2017 matapos magbitiw ang dati nilang coach na si Ariel Vanguardia..

Si Alas ang ikatlong coach ng Phoenix kasunod nina Koy Banal at Vanguardia at nakapagtala ng patas na 33-33 record para sa prangkisa.

Pansamantalang papalit sa kanya si coach Topex Robinson na kasama nyang lumipat sa koponan mula sa Alaska.

Samanta, tatlong lugar na lamang ang pinagpipilian ng PBA upang pagdausan ng kanilang bubble para sa hangad na pagpapatuloy ng kanilang naudlot na 45th season.

“Ang nangyari, gumawa sila ng shortlist,” ani Marcial matapos ang isinagawang board meeting nitong Biyernes.

Hindi naman isiniwalat ni Marcial kung ano ang tatlong venues na pinagpipilian.

Sa ngayon aniya ay pinag-aaralan nilang lahat ng mga proposal ng natirang tatlong venues mula sa kabuuang 20 na na nagbigay sa kanila.

-Marivic Awitan