Aug. 24 school opening, ‘di pa sigurado

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Nakatakdang makipagpulong si Pangulong Rodrigo Duterte sa Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) upang desisyunan kung itutuloy nila ang pagbubukas ng pasok sa paaralan sa Agosto 24.

Ito ang tiniyak ng pangulo sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng nahahawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Muling inulit ng punong ehekutibo na payag siyang papasukin na sa eskuwelahan ang mga batang estudyante basta magkaroon muna sila ng bakuna.

“At the next meeting, we will decide on the actual date of how to open the schools,” paglilinaw ni Duterte kamakailan.

“Ang akin, basta mabakunahan lang. I’m talking about within the months of October, November, December,” aniya.

Sa kabila aniya ng mga hamon sa sektor ng edukasyon dahil sa pandemya, ipinagmamalaki pa rin aniya nito si Leonor Briones bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).

“I really am proud to have you in the Cabinet,” sabi nit okay Briones.

Sa kanyang pahayag naman sa kanilang pagpupulong nitong Huwebes, pinasalamatan naman ni Briones ang pangulo dahil sa pahayag ng pagsuporta nito sa blended learning program ng DepEd.

Pahayag ni Briones, nitong Hulyo 30, aabot na sa 22.3 milyong estudyante ang naka-enroll sa pag-asang magbubukas ang klase sa paaralan sa Agosto 24 ngunit ito ay isasagawa sa pamamagitan ng blended learning.

“So in spite of all the fears — COVID and the economy — enrollment is still going on,” ayon pa kay Briones.

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS