Kapamilya shows, mapapanood na sa livestream

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

GRABE itong Kapamilya network, nakadapa na nga, pero wagas pa rin ang paglilingkod sa atin dahil sa ilulunsad na Kapamilya Online Live, isang livestream na mapapanood araw-araw simula Agosto 1.

For sure matutuwa ang lahat ng viewers dahil makakapiling na ulit nila ang mga na-miss na Kapamilya shows na mapapanood nila sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel at ABS-CBN Network Facebook page nang libre.

Nakakabilib na kahit nawalan ang network ng prangkisa, talagang nag-isip sila ng paraan para mapasaya pa rin ang bonding ng pamilya ngayong new normal na tayo. Puwede naman kasing unahin ng ABS-CBN na ayusin ang mga problema nito, pero ipinamalas na naman ng Kapamilya network na gusto talaga nilang maghatid ng saya at inspirasyon sa panahon na kailangan natin ng pampasigla.

Kahit din may mabigat na problema itong ABS-CBN, hindi pa rin sila natitinag na manguna sa industriya. Pagkatapos ipakilala sa atin ang TV, cable TV, at ABS-CBN TVplus, heto at meron na namang Kapamilya Online Live na tiyak magbabago sa panonood ng mga Pilipino na babad ngayon sa online world.

Naniniwala ako na magtatagumpay itong Kapamilya Online Live dahil mahal ng viewers ang ABS-CBN. Tumatatak kasi ang mga palabas ng network sa puso kaya kahit wala na ito sa TV, sure akong susundan nila ang ABS-CBN online dahil iba ang tatak Kapamilya.

Hayan pagkatapos ng halos sunod-sunod na bad news may good news ding tayong narinig tungkol sa ABS-CBN. Sana tuloy-tuloy na ang pagbangon ng network.

-REGGEE BONOAN