MILO ‘Home Court’ alternatibo ng batang Pinoy

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

NAUUSO ang mga online platform dahil hindi lahat puwedeng lumabas.

Isa na rito ang mga batang mahilig na maglaro at makukulit tuwing may playing activities sa labas. Sila ang unang-unang dahilan ng adbokasiya ng inilunsad na Milo Home Court digital sports learning program na kahit nasa bahay lamang ay kaya nilang maging isang propesyonal na atleta sa tulong ng mga itatalagang coaches mula sa interactive training.

Ayon kay coach Igor Mella ng Philippine Taekwondo Association, maaring gumaling pa ang isang batang kahit sumisipa lang sa pader dahil sa kanyang kakulitan at mabibigyan ng tamang gabay ng isang coach mula sa online training ng MILO ‘Home Court’ ay baka mahigitan pa niya ang sipa ng mga sumasabak sa aktuwal na torneo.

“Dyan kasi siya nagsisimulang mahasa,” pahayag ni Mella sa Tabloids Otganization in Philippine Sports (TOPS) ‘Usapang Sports’ via Zoom ng Sports on Air at livestreaming sa YouTube at Facebook.

Kainaman ng digital sports interactive na inilunsad ng sports drink noong nakaraang linggo ay maipagpatuloy din ng mga magulang ang paggabay kasabay ng mga natututunan ng bata sa dating sports clinic ng bagong mga kaalaman at teknik sa larangan ng palakasan.

“Stay at home ang mga bata, pero mga active pa rin ang mga ‘yan at hindi puwedeng pigilan sa gusto nilang sabakan na sports,” ayon kay Lester P. Castillo, Assistant VP ng Nestle Phils-Milo sa naturang forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) at PAGCOR.

Para sa mga magsisimula pa lamang, may siyam na sports ang kabilang sa programa, ang arnis, badminton, basketball, football, gymnastics, volleyball, taekwondo, tennis at karate.

Tinugon ng Milo ang pangangailangan ng bata upang manatiling aktibo at nakapaglalaro kahit sa loob ng bahay at malayo sa sakit. “But also instill valuable life lessons that thei kids grow into well-rounded individuals,” dagdag ni Castillo.

Kasama si 2019 SEAG gold medalist taekwondo jin Pauline Lopez bilang brand ambassador ng digital platform ng Milo.

-Annie Abad