Pinoy athletes na sasabak sa Olympics , uunahin

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Matapos na makakuha ng go signal buhat sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), upang magsimula ng ensayo ang mga Olympic- bound athletes, sisikapin naman ngayon na gawan ng paraan ng Philippine Sports Commission (PSC) na payagan muna na maggugol ng panahon sa training ang ilang mga enlisted athletes na sasabak sa 2021 Tokyo Olympics.

Nauna rito ay pinayagan na din sina three-time Olympian weightlifter Hidilyn Diaz at ang 2021 Tokyo Olympic-bound boxer na si Eumir Felix Marcial, na kapuwa bahagi ng Philippine Air Force (PAF), na simulan na ang kanilang ensayo para sa nasabing quadrennial meet.

Sinimulan ng nasabing PSC kamakailan ang pakikipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang muling buoin ang isang tripartite agreement kasama ang Philippine Olympic Committee (POC) upang abigyan ng detalyadong serbisyo ang mga atleta at mga coaches na aktibo din bilang mga frontliners at may sinumpaang serbisyo para sa Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.

Nais ng PSC na buhayin ang nasabing agreement na napaso nitong nakaraang Mayo, kung saan sa isang liham para sa AFP, hiniling ng nasabing ahensiya na manatili muna sa kanilang bakuran ang 78 national athletes at 52 coaches buhat sa 19 upang matutukan ang paghahanda para sa kampanya ng bansa sa Oimpiyada sa susunod na taon.

“We are working with the POC in drawing up the list,” ayon kay PSC Acting Executive Director Atty. Guillermo Iroy, Jr.

Nagsimula nang magpulong sina Chief of the AFP Special Service Unit, Col. Rocky Binag, POC Secretary General Atty. Ed Gastanes at Iroy, kasama ang NSA Affairs Head na si Annie Ruiz kung saan ay tinalakay nila ang laman ng nasabing agreement at inaasahan na matatapos ang pag-uusap ngayong kalagitnaan ng buwan ng Agosto.

“Ang request kasi ni Eumir at Hidilyn, hanggang 2021 na. Kasama sila sa kino-consider ng AFP na bigyan. The rest, back to mother unit sila,” pahayag naman ni Ruiz.

Habang ang ibang mga sundalong atleta naman ay muling ipinabalik sa kani-kanilang mga itinalagang unit bilang mga frontliners.

-Annie Abad