NBA Games muling mapapanood sa PH television

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

Simula sa katapusan ng buwan, Hulyo 31, opisyal ng magbabalik ang NBA (National Basketball Association) sa Philippine television para sa restart ng kanilang 2019-20 season.

Pagkaraan ng ilang buwan matapos matigil ang pagpapalabas ng mga laro sa free TV, muling matutunghayan ng mga NBA fans ang aksiyon sa TV5 at One Sports.

Pipili ang TV5 at One Sports ng mga ipapalabas nilang “seeding games” at playoff games sa first at second round habang ieere ang Conference Finals sa dalawang channels.

Ang 2020 NBA Finals naman ay eksklusibong ipalalabas sa TV5.

Bukod sa mga larong ipapalabas sa free tv, maglalabas din ang pay tv provider Cignal ng NBA TV Philippines – localized version ng NBA TV.

Sa isang press release na kanilang ipinadala sa media, inihayag ng Cignal TV, Inc. na sila na ang bagong broadcast partner ng NBA matapos ang nakuha nilang multiyear partnership deal sa basketball league.

“The NBA restart is set against a uniquely challenging moment in time for our fans in the Philippines who are among the most passionate and dedicated NBA supporters in the world,” pahayag ni NBA Asia Managing Director Scott Levy.

“We are excited to partner with Cignal and Smart to bring NBA games to a nationwide audience, and we hope to play a role in lifting the spirits of Filipinos by bringing our fans together through their shared love of the game,” dagdag nito.

“We at Cignal TV are extremely thrilled to bring the world’s biggest basketball league back to every Filipino home,” wika naman ni Cignal TV President and CEO Robert Galang.

Sumakto naman ang deal sa season restart ng liga pagkaraan ng ilang buwan ding pagkahinto dahil sa novel coronavirus (COVID-19) pandemic.

Kaugnay ng pagbabalik nila sa Philippine television, ibinabalik din ng NBA ang kanilang mga official merchandise sa NBAStore. com.ph.

-Marivic Awitan