PBA senior coach, sasailalim sa ‘health testing’

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

TULAD sa mga players, susuriin din ang kalusugan ng mga PBA coaches bago sila pahintulutan na dumalo sa ensayo ng kani-kanilang mga koponan na magsisimula na muli sa susunod na linggo.

Kabilang ito sa napag-usapan at tinalakay sa nakaraang coaches at team managers’ meeting na ipinatawag ni Commissioner Willie Marcial dahil na rin sa katotohanan na apat sa mga kasalukuyang coaches ay 60 taong gulang na pataas at pawang mga multiple champions.

Ayon naman kay NLEX coach Yeng Guiao, basta’t walang anumang problema sa kalusugan, nakahanda ang mga gaya niyang senior coaches na gawin ang kanilang trabaho.

Bukod kay Guiao na ngayo’y 61 taong gulang na, ang iba pang mga senior coaches na lagpas 60 taong gulang ay sina Tim Cone ng Barangay Ginebra (62), Norman Black ng Meralco(62), at Leo Austria ng San Miguel (62).

Napag-usapan ang nasabing isyu dahil ayon sa mga eksperto, ang mga senior citizen at mga bata ang madaling dapuan ng coronavirus.

Marivic Awitan