Sundalo vs pulis: Paano lulutasin ni PRRD?

Filed under PAGTANAW AT PANANAW Balita RSS RSS Feed

WALANG duda, parehong mahal ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang mga pulis at kawal. Hindi ba’t sa unang mga araw palang niya sa Malacañang, agad ay ipinaapura niya ang pagkakaloob ng dobleng sahod sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa naganap na karahasan sa Jolo, Sulu na batay sa mga report ay ikinamatay ng apat na sundalo sa kamay ng siyam na pulis, nagkaroon ng dilemma si PRRD dahil pareho niyang “mga bata” ang sangkot sa patayan. Sino ang kanyang papanigan o hahayaan ba niyang ituloy ang imbestigasyon ng NBI, at hindi ito pangungunahan tulad ng nangyari sa ilang kaso?

Kaagad nagtungo sa Mindanao si Mang Rody at umapela sa hanay ng AFP na maging kalmado, maghinay-hinay at huwag padala sa bugso ng emosyon para ipaghiganti ang pagkamatay ng kanilang kasamahan na ang misyon ay tiktikan at tugisin ang dalawang suicide bombers na kabilang sa Abu Sayyaf at ISIS. Sa pagkamatay ng apat na sundalo, nakatiplad ang dalawang suicide bombers at hindi malaman ang pinuntahan.

Sa puntong ito, dapat papurihan ang ating Pangulo sa mabilis na pag-aksiyon (hindi tulad ng ibang tamad at tutulug-tulog na presidente) upang mapigilan ang posibleng mararahas na hakbang ng mga tauhan ng Western Command (WesCom) upang ipaghiganti ang mga namatay na tauhan.

Hindi inalintana ni Pres. Rody ang kanyang personal quarantine at mahigpit na security protocols na ipinatutupad ng Presidential Security Group (PSG). Dali-daling lumipad sa Edwin Andrews airport sa Zamboanga City noong Biyernes pang payuhan ang mga kawal.

Sa harap ng mga tropa, nanawagan si Manong Digong sa “cooler heads” o malalamig ang ulo na tumulong at makisangkot sa gitna ng tensiyonadong situwasyon sa pagitan ng AFP at PNP na kapwa niya minamahal.

Ganito ang pahayag ng pangulo: “Itong nangyari, pati ako on the sidelines, nakita ko na hindi maganda. And it has generated so much animosity between the two units, the AFP and the PNP which is not good because in the end, it would be the people who would bear the brunt for this.”

May mga nagtatanong kung paano lulutasin ni PRRD ang sitwasyong ito na sangkot ang dalawang armadong sangay ng pamahalaan na pareho niyang mahal, kinukupkop, pinangangalagaan at sinasandalan?

Pinirmahan na ni Pres. Rody ang kontrobersiyal na Anti-Terror Law (ATL) na kinokontra ng maraming sektor. Gayunman, tiniyak ng pamunuan ng PNP sa publiko na hindi aabusuhin ng law enforcers ang batas.

Sinabi ni PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac na may sapat na safeguards sa implementasyon ng ATL bilang tugon sa pangamba na baka gamitin lang ang batas laban sa mga kritiko ni PRRD. “Tinitiyak ng PNP sa publiko na hindi ito aabusuhin at buong katapatang susundin ang lahat ng institutional mechanisms that provide safeguards to its implementation.”

Siyanga pala, patuloy sa pagdami ang mga kaso ng impeksiyon ng COVID-19 sa Pilipinas. Sana naman ay laging mag-ingat ang ating mga kababayan, huwag maging complacent ‘ika nga sapagkat ang kaaway na virus ay naririto pa, hindi nakikita at handang sumalakay ano mang oras.

Napakasimple lang naman ang pag-iingat upang maiwasan ang veeruz, este virus na ito, na hanggang ngayon ay wala pang natutuklasang bakuna o gamot: “Laging maghugas ng kamay, magsuot ng facial mask, panatilihin ang angkop na agwat o physical distancing” at iwasan ang pagpunta sa maraming tao. Manatili na lang sa bahay kung hindi mahalaga ang paglabas.

-Bert de Guzman