Sa paggulong ng katarungan

Filed under SENTIDO KOMUN Balita RSS RSS Feed

WALANG hindi inalihan ng matinding pagkagitla sa naganap na shootout o pagpatay sa apat na sundalo na kinabibilangan ng dalawang opisyal na kapuwa nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA). Sinasabing sangkot sa karumal-dumal na pagpatay ang siyam na pulis sa isang checkpoint sa isang bayan sa Jolo na umano’y binagtas ng naturang mga kawal.

Ang matinding pagtataka ng sambayanan ay nakaangkla sa kanilang paniniwala na ang nabanggit na mga miyembro ng security forces — Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) — ay hindi dapat magbangayan. At lalong hindi sila dapat magpatayan lalo na nga kung isasalaang-alang na magkakambal, wika nga ang kanilang misyon hinggil sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa buong kapuluan.

Maliwanag ang misyon ng PNP: To Serve and Protect. Ibig sabihin, ang mga miyembro ng PNP ang maglilingkod at mangangalaga sa seguridad ng mga mamamayan. Sa kanilang dako, ang mga tauhan ng AFP naman ang magtatanggol sa katahimikan ng bansa laban sa mga manliligalig na walang patumangga sa paghahasik ng lagim at terorismo. Kapuwa sila nagbubunsod ng mga estratehiya at kilusan upang lipulin ang iba’t ibang krimen: pag-kidnap, walang saysay na pagpaslang, nakawan; kabilang na rito ang walang humpay na pagpuksa ng mga users, pushers at mga druglords.

Naniniwala ako na maging si Pangulong Duterte ay nakadama rin ng matinding pagtataka na may kaakibat na panghihinayang dahil nga sa naganap na kahindik-hindik na pagpatay ng mga pulis sa mga sundalo. Hindi maitatanggi na ang mga ito ay kapuwa malapit sa kanyang puso. Katunayan, halos sabay-sabay niyang dinoble ang sahod ng mga pulis at sundalo. At pinagkalooban ng iba’t ibang benepisyo ang PNP at AFP sa pamamagitan ng modernisasyon ng mga ospital, pabahay at iba pa.

Ngayong naganap ang kahambal-hambal na pangyayari na maaaring maging dahilan ng paglamat ng ating mga sundalo at pulis, gusto kong maniwala na walang itulak-kabigin, wika nga, ang Pangulo. Ibig sabihin, tila nalilito siya sa pagtimbang sa naturang insidente.

Sa bahaging ito, natitiyak ko na alam niya ang kanyang tinutungo. Katunayan, nauna na niyang iniutos sa National Bureau of Investigation (NBI) — at isa pang ahensiya — ang imbestigasyon sa naturang krimen.

Dapat lamang manaig ang katotohanan sa pamamagitan ng patas na paggulong ng katarungan alang-alang sa pagpapanatili ng magandang relasyon ng mga kawal at pulis. Higit sa lahat, dapat mapanagot ang mga may kasalanan upang matamo ng mga biktima ang tunay na hustisya.

-Celo Lagmay