PNP at AFP, bubuo ng Board of Inquiry

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Nagkasundo ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na bumuo ng Board of Inquiry (BOI) para tutukan ang madugong pamamaril na ikinasawi ng apat na sundalo kabilang dalawang army officers sa Jolo, Sulu.

Sinabi ng PNP na kapwa bubusisiin ng militar at pulisya ang kani-kanilang operational procedure para maiwasang maulit ang insidente.

Itinuturing naman ng PNP na isang isolated case ang insidente.

Ayon kay PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa, layon ng pagbuo ng BOI ay para matukoy ang operational lapses at kung paano pa mapauunlad ang kanilang operational procedure.

Nagtungo sa Camp Crame si AFP Inspector General Major General Franco Nemecio Gacal para makipagpulong kay PNP Internal Affairs Service Inspector General Atty. Alfegar Triambulo upang pag-usapan ang organizational matters sa pagbuo ng BOI na sabay ilulunsad ng AFP at PNP.

Tiniyak naman ni Gamboa na mananagot ang dapat managot sa pagpatay sa apat na sundalo.

Samantala, matapos ang madugong insidente, agad namang nagsagawa ng review ang pamunuan ng Western Mindanao sa kanilang protocol lalo na sa kanilang intelligence operation.

Sa panayam kay Wesmincom chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana, sinabi nito na kanilang binusisi muli ang kanilang tactical and operational procedures.

Sa ngayon, hinihintay ng PNP at AFP ang resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation upang mabigyan na ng hustisya ang pagkamatay ng apat na sundalo.

Tiniyak pa ni Sobejana on track pa rin ang pagtugis ng militar sa dalawang babaeng suicide bombers na nakatakas at gagawin nila ang lahat para mapigilan ang anumang planong pagsabog muli sa probinsiya.

—Fer Taboy