Lalo pang dapat paigtingin

Filed under SENTIDO KOMUN Balita RSS RSS Feed

NAKASISINDAK ang bilang ng ating mga kababayan na dinadapuan ng nakamamatay na COVID-19 na ngayon ay umaabot na sa mahigit na 41,000 — at patuloy pang nadadagdagan. At lalong nakakikilabot ang dumarami ring pumapanaw dahil sa naturang coronavirus o mikrobyo na walang humpay sa pamiminsala sa sangkatauhan — sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nakalulugod namang mabatid na libu-libong mga kababayan natin ang patuloy na gumagaling sa pamamagitan ng pangangalaga ng mga bayaning health frontliners na araw-gabing nangangalaga sa mga positibo sa COVID-19. Sa kabila ito ng katotohanan na ang grupo ng naturang mga bayani — mga doktor, narses at halos lahat ng mga tauhan ng iba’t ibang ospital sa ating bansa — ay mistulang humaharap sa panganib sa hangaring mailigtas ang buhay ng mga may karamdaman.

Nakapanlulumo namang masaksihan na sa kabila ng gayong sama-samang pagsisikap, kabi-kabila pa rin ang ating mga kababayan na walang pag-iingat at patuloy na nagwawalang-bahala sa pagtalima sa quarantine protocol na paulit-ulit na isinisigaw ng Department of Health (DoH) at halos lahat ng sektor ng sambayanan. Manhid sa pagsunod sa itinatadhana ng Bayanihan Act, lalo na sa pagtugon sa pangunahing tagubulin na tulad ng physical distancing, pagsusuot ng mask at madalas na paghuhugas ng mga kamay. Mga tagubilin ito na mandatory.

Nakadidismayang mabatid na kamakailan lamang, mismong mga lingkod ng bayan — mga opisyal ng pulisya at ilang pinuno ng local government units (LGUs) — ang sinasabing tandisang lumabag sa quarantine protocol. Isipin na lamang na ang ilan sa kanila ay nagdaos pa ng kani-kanilang mga kaarawan na ang mga panauhin ay nakalimot sa kahulugan ng social distancing — mistulang nagdikit-dikit sa gitna ng pagdiriwang. Hindi ba maliwanag na ito ay kawalan ng disiplina, lalo na kung iisipin na sila pa nga ang dapat magpamalas ng magandang halimbawa sa pagsunod sa mga batas? Paanong mababawasan ang panganib na hatid ng nakakikilabot na COVID-19 pandemic kung ang ilang sa ating mga opisyal ang pasimuno sa mistulang pagpapakalat ng mikrobyo?

Gusto kong maniwala na ang ganitong nakadidismayang asal ang dahilan ng pagdami ng positibo sa naturang virus. Ito rin ang dahilan kung bakit ang ilang lugar ay nananatiling enhanced community quarantine.

Nakalulungkot na mismong sa aming lalawigan sa Nueva Ecija — sa bayan ng Talavera — iniulat na dalawang kababayan natin ang positibo sa COVID-19 na naging dahilan upang ang dalawang barangay ay isinailalim sa hard lockdown.

Mabuti naman at naging maagap ang pamahalaang panlalawigan na pinamumunuan ni Gob. Aurelio Umali sa pagtugon sa nabanggit na problema. Kaakibat ito ng kanyang mahigpit na pagpapaalala sa taumbayan na lalo pang paigtingin ang pag-iingat upang maiwasan kundi man ganap na malipol ang nakamamatay na coronavirus.

Sa gayon, hindi lamang ang aming lalawigan, — kundi ang buong kapuluan — ang maliligtas sa matinding banta ng pandemya, kasabay ng pagsilang ng tinatawag na ‘New Normal’.

-Celo Lagmay