Kalbaryo ng matinik na imbestigador (Huling Bahagi)

Filed under IMBESTIGADaVe Balita RSS RSS Feed

SA lehitimong police at military operations, hindi mawawala ang isa o dalawang operatiba na kung tawagin ay “sweeper” na ang trabaho ay bumuntot o magmasid sa operasyon ng kanilang mga kasama upang dokumentuhan ang trabaho sa malapitan o malayuan man.

Bahagi rin sa trabaho nito ang magbigay ng babala sa kanyang mga kasamahan sakaling may mapuna siyang magre-resulta sa pagkasira ng isinasagawang operasyon.

Kadalasan, sobrang “covert” ang trabahong ito na ang tanging nakakikilala lamang sa “sweeper” ay ang ilang operatiba sa isinasagawang operasyon. Ang “sweeper” kasi ay animo ordinaryong mamamayan lamang na pagkalat-kalat sa daan na kagaganapan ng operasyon.

Alam ko ang trabahong ito – dahil sa kagustuhang ko na makakuha ng mga ekslusibong balita noong ako ay aktibo pang police reporter maraming tulog na ang nakararaan – ilang beses din akong pumapel na “sweeper” sa mga sinamahan kong mga police at military operation, kaya’t animo nasa balcony ako ng isang sinehan na pinanonood ang nagaganap na malaking balita, na pagpipiyestahan ng kapwa ko mamamahayag kapag iniharap na ito sa isang press conference.

Yun lang – nasa aking balita ang kung tawagin ng mga editor na “color” ng istorya, dahil sa pag-papel ko bilang isa sa mga “sweeper” nila!

Nabanggit ko ito dahil sa nasagap kong impormasyon na may “sweeper” na nakasaksi sa buong pangyayari, sa naganap na ang pagpatay sa apat na naka-paisanong sundalo ng PA na nakatalaga bilang mga operatiba ng 9th Intelligence Service Unit ng Armed Forces of the Philippines (9th ISU AFP), sa Barangay Bus-Bus, Jolo, Sulu.

Ang naturang “sweeper” ay sakay ng motorsiklo at nakabuntot sa SUV ng apat na sundalo hanggang sa lugar ng checkpoint ng mga pulis.

Nauna lamang na pinalagpas ang “sweeper” ng mga nagtse-checkpoint – akala marahil ay ordinaryong rider lang ito – at ang pinagtuunan ng pansin ng mga pulis ang sakay ng SUV.

Para sa akin, lutas agad ang kasong ito – at lalabas ang tunay na pangyayari kung ang pagbabatayan ay ang salaysay ng “sweeper” lalo pa’t kapag may naipakita siyang video ng pangyayari na kanyang nasubaybayan, mula checkpoint hanggang makarating sa lugar ng istasyon ng pulis.

Ang pinaka-importanteng salaysay at video – kung mayroon na ngang natukoy na “sweeper” ang mga imbestigador na may hawak sa kasong ito – ay ang bahagi na nagsasabi at nagpapakita kung sino ang unang nagpaputok at nagtanim ng baril sa mga ‘di armadong operatibang tiktik ng militar.

Sa kasong ito, ang NBI lamang ang inatasan ng Palasyo na magsagawa ng malalim na imbestigasyon at tapusin ito sa pinaka-mabilis na panahon.

Naniniwala akong sisiw lamang ito sa matitinik na NBI agents basta ‘wag lamang silang magpapadikta sa kanilang pinuno o matataas na opisyal ng pamahalaan – kung mayroon man – na makikialam at “pilit” na aarborin ang resulta ng imbestigasyon upang protektahan ang kanilang sariling reputasyon na siguradong mamamantsahan kapag lumabas na “murder” ang nauna nang ipinahayag na “misencounter” sa pagitan ng mga operatiba PNP at PA.

Ito ang paulit-ulit na kalbaryo ng matitinik na imbestigador na determinadong lutasin ang malaking kasong hawak nila – kadalasan pa, silang nare-relieve sa puwesto, napupunta sa floating status, o di kaya naman ay nakakasuhan.

Sana, ang sinasabing kabi-kabilang pagmi-meeting ng mga matataas na opisyal ng PNP at PA nitong mga nakaraang araw, ay mauwi sa makatotohanang solusyon ng kaso, at hindi sa ikinababahala kong kalbaryo ng matitinik na imbestigador.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: daveridiano@yahoo.com

-Dave M. Veridiano, E.E.