Kaisa ang PH sa paghahanap ng lunas sa COVID-19

Filed under Editoryal Balita RSS RSS Feed

WALA pa ring natutuklasang lunas para sa COVID-19 virus na patuloy na humahawa sa milyon-milyong tao sa mundo. Makalipas ang anim na buwan mula ng magsimula ang virus sa China noong Disyembre, 2019, higit 11 milyong tao na ang nahawa ng virus, kung saan nasa mahigit 533,000 ang namatay hanggang ngayong linggo.

Sa kawalan ng anumang lunas o bakuna, nakatuon ngayon ang mga opisyal pangkalusugan sa paraan upang mapigilan ang pagkalat ng impeksyon at naisip nila ang social distancing — pananatiling makakalayo ng mga tao ng isang metro sa isa’t isa, pagsusuot ng face masks, at palagiang paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol.

Gayunman, patuloy ang paghahanap at pagsusuri para sa gamot na makatutulong upang malunasan ang milyon-milyong nadapuan ng virus gayundin ang bakuna para sa bilyon pa, na bagamat hindi pa nahahawa, ay patuloy na namumuhay sa takot na maaaring kalaunan ay mahawa rin sila ng virus.

Nitong nakaraang Linggo, inanunsiyo ng Department of Science and Technology (DOST) na sinimulan na nito ang pag-aaral sa paggamit ng convalescent blood plasma bilang therapy sa COVID-19. Sinabi ni DOST Secretary Fortunato de la Peña na isinasagawa na ang pag-aaral ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) na pinondohan ng DOST.

Ang blood plasma na ibinigay ng mga pasyenteng naka-recover mula sa COVID-19 inilalagay sa mga bagong pasyente. Naglalaman ang blood plasma ng anti-bodies, na sa tamang panahon, ay susugpo sa virus na nasa bagong pasyente. Suportado ng World Health Organization (WHO) ang pag-aaral na ito.

Ayon sa DOST, may isa pang pag-aaral na isinasagawa sa paggamit ng coconut oil bilang supplement para sa mga pasyente. Ang lauric acid na matatagpuan sa coconut oil ay nakatutulong umano sa katawan upang maglabas ng enzymes na may anti-viral properties.

Dalawang anti-malarial drug naman – ang Chloroquin at Hydroxychoroquine – ang ginagamit ngayon sa mga pasyente sa mga hospital sa bansa, na bahagi ng “Solidarity Trial” ng WHO sa 40 bansa.

May ibang pag-aaral pa ang isinasagawa rin para sa posibleng lunas sa COVID-19 kasama ang drug Remdesivir na ginamit sa paggamot sa ebola; ang kombinasyon ng Lopinavir at Ritonavir, na lisensyadong panggamot sa HIV; at isa pang kombinasyon ng Lopinavir-Ritonavir na may Interferom Beta na karaniwang iginagamot sa multiple sclerosis.

Ang lahat ng ito ay isinasalang na sa mga pasyente sa Pilipinas sa ilalim ng

WHO’s 40-nation “Solidarity Trial.” Ngunit espesyal na umapela si Pangulong Duterte para sa isinasagawang plasma study ng UP-PGH. Sinabi ng Pangulo na dapat ipagmalaki ng publiko ang ating mga health workers na ngayo’y gumagamot sa libu-libong pasyente ng COVID-19, ngunit gayundin sa mga doktor at mananaliksik na nangunhuna upang pag-aralan ang plasma therapy bilang lunas sa COVID-19.

Maaari itong maging isang malaking kontribusyon ng Pilipinas sa pandaigdigang laban kontra sa coronavirus, ayon kay presidential spokesman Harry Roque. Maraming gamot ang sumasalang na sa pagtataya sa maraming bansa at ipinagmamalaki natin na nakikibahagi ang Pilipinas sa pandaigdigang pagsisikap na ito.