COVID-19 deaths, unti-unti nang bumabagal —DOH

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng 2019 coronavirus disease (COVID-19), na sinasabing dulot nang pagluwag ng ipinatutupad na lockdown measures ng pamahalaan, ay nakapagtala naman umano ang Department of Health (DOH) ng unti-unti nang pagbagal ng pagtaas ng bilang ng mga namamatay dahil sa virus.

Sa datos ng DOH, hanggang nitong Martes ng umaga ay mayroon na silang naitalang 46,333 COVID-19 cases at sa naturang bilang ay 1,303 ang namatay.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang naturang bilang ng mga nasawi ay katumbas ng fatality rate na 2.9 porsiyento lamang, na hamak na mas mababa kumpara sa 10 porsiyento na fatality rate na naitala nila noong panahon nagsisimula pa lamang ang pandemic.

“We can see that the deaths here in the country are slowly going down, it’s really decreasing,” pahayag ni Vergeire, sa panayam sa telebisyon.

Paliwanag ni Vergeire, ang pagbaba ng fatality rate ay dahil mas ekperiyensado na ang mga manggagamot sa pagsuporta at pagbibigay ng lunas sa mga pasyente lalo na yaong malala at kritikal ang kondisyon.

“When we tried to look at our experience in the country, we are seeing great improvement in how cases are being managed,” dagdag pa niya. “We are seeing lesser deaths because we can see that clinicians now already have that much evidence and different information for them to be able to manage and support patients who are severe and critical and are being admitted in our hospitals.”

Sinabi rin ni Vergeire na karamihan o 96 porsiyento ng naitatala nilang pasyente ng virus ay mayroon lamang mild symptoms ng sakit.

Sa kabila nito, nagbabala si Vergeire na dapat pa ring maging mas maingat ang publiko upang hindi mahawahan ng sakit lalo na at patuloy pa rin ang naitatala nilang pagdami ng kaso nito.

“These numbers that we are having right now should make people more cautious. This is not just because we are testing more but because there are really clustering of cases that we have been identifying for these past days and there is really community transmission,” aniya pa.