ANG appeal ni Batangas 6th District Congw. Vilma Santos-Recto sa kapwa mambabatas na i-renew ang franchise ng ABS-CBN.
“Bilang may akda ng House Bill 4305, isa sa mga panukala sa muling pagbigay ng prangkisa sa ABS-CBN, ako po ay umaapela sa aking mga kasamahan sa Committee on Legislative Franchises na magkaroon ng malawak na pag-unawa at pag-iisip tungkol sa usaping ito.
Nawa’y patas na aplikasyon ng batas, at balanseng pagtingin at pagsusuri, ang magiging sandigan natin sa paggawa ng desisyon.
Narinig natin ang pahayag ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na walang nilabag na batas o regulasyon ang ABS-CBN. Panghawakan natin ang sinabi ni Ginoong Carlo Katigbak na “Patuloy kaming magsusumikap na maging mas mabuting kumpanya…”
Hindi din natin pwede isawalang-bahala ang mahigit na animnapu’t limang taon na serbisyo publiko ng kumpanyang ito. Sakop dito ang pagbibigay ng balita’t impormasyon, edukasyon pang telebisyon, entertainment o libangan, pag-alaga ng kalikasan, at higit sa lahat, ang pagbibigay tulong sa kapwa, may sakuna man o wala, sa pamamagitan ng Sagip Kapamilya at Bantay Bata.
Ako po ay isa mga naniniwala na karapat-dapat na mabigyan muli ng pagkakataon ang ABS-CBN na ipagpatuloy ang serbisyo sa mamamayang Pilipino lalo na sa panahon ng pandemya. Kailangan natin ang tulong nila.
Sana ipagdasal natin na payagang magbukas muli ang ABS-CBN sa pamamagitan ng pag pasa ng panukalang ito.
-NITZ MIRALLES