BIR, ‘di natitinag sa banta ng POGOs

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

Goodriddance.

Ito ang naging reaksiyon ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Deputy Commissioner for Operations Arnel Guballa hinggil sa banta ng ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na lilisanin ang bansa dahil sa mahigpit na panuntunang ipinatutupad ng pamahalaan.

Ayon kay Guballa, na siya ring namumuno sa BIR POGO Task Force, dapat itigil ng mga POGO ang kanilang operasyon kung hindi sila susunod na rules at regulation ng bansa, partikular sa pagbabayad ng franchise tax at final withholding tax (FWT) mula sa sahod ng kanilang mga dayuhang empleyado.

Aniya, hindi nagiging tapat ang mga POGO sa pagdedeklara ng kanilang tamang kita at pagbabayad ng karampatang buwis na napatunayan sa ilang isinara noong nakaraang taon.

Sinabi pa ng ilang revenue official na hindi lamang buwis ang nakukuha ng pamahalaan sa POGO, ngunit pinagmumulan din ito ng iba’t ibang krimen tulad ng prostitusyon at pagnanakaw sangkot ang mga alien online workers.

Ipinag-utos na ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa mga POGO na ayusin ang kanilang mga hindi nababayarang buwis bago pahintulutang mag-operate.

Iginiit naman ng mga abugado ng POGO na hindi dapat sila i-require na magbayad ng franchise tax dahil ang kanilang kita ay nagmumula naman sa mga bettors sa labas ng bansa.

Nanindigan naman si Guballa na dahil kumikita ang mga service providers ng POGO na nakabase sa bansa dapat itong buwisan.

Tumutumbas ang franchise tax ng limang porsiyento ng annual gross receipts na pinaghahatian ng BIR at PAGCOR kung saan nakukuha ng huli ang tatlong porsiyento mula sa mga license fees.

Pagbabahagi ni Guballa, nakatutok ang task force sa imbestigasyon sa

FWT dahil sa kahirapang mataya ang aktuwal na kita ng industriya na pinagbabasehan para sa koleksiyon ng franchise tax.

Aniya, walang paraan upang malaman ng BIR ang katiyakan ng kanilang income declaration dahil hindi nakokolekta ng mga service providers na nakabase sa bansa ang taya ng mga dayuhang manlalaro, ngunit mismong sa mga POGO na nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

May 218 POGO sa bansa na may mahigit 100,000 dayuhang empleyado, ngunit sampu lamang sa mga ito ang kumuha ng tax clearance.

Una nang sinabi ng Department of Finance na aaabot sa P20 bilyon ang maaaring kitain ng bansa mula rito.

Nakalikom ang BIR noong nakaraang taon ng higit P6 na bilyon bayad na karamihan ay mula sa mga POGO na pansamantalang isinara dahil sa hindi pagpaparehistro at pagbabayad ng FWT.

-Jun Ramirez