Bantayan ang presyo sa merkado

Filed under Editoryal Balita RSS RSS Feed

SA nakalipas na apat na buwan mula Pebrero ngayong taon, habang unti-unting naaapektuhan ng coronavirus ang mga negosyo at industriya sa Pilipinas at iba pang mga bansa, tulad ng China at Singapore, nanatiling mababa sa 2.1 hanggang nitong Mayo ang inflation o presyo sa merkado sa Pilipinas.

Nitong nakaraang buwan, bahagyang tumaas ang inflation rate sa 2.2 porsiyento habang dahan-dahang bumabalik ang aktibidad sa ekonomiya ng bansa. Isa pang dahilan ang pagtaas ng presyo ng diesel, gasolina at iba pang uri ng langis na nagpapatakbo sa ekonomiya. Inaasahan ng mga ekonomista na mananatili ang inflation sa ganitong lebel –2.1 hanggang 2.2 porsiyento – sa nalalabing bahagi ng taon.

Umaasa tayong tama sila na mananatiling mababa ang inflation rate sa mga susunod na buwan. Kalunos-lunos namang isipin, na sa gitna ng restriksyon ng pamahalaan sa paggalaw sa ekonomiya at ng tao ay magdurusa pa ang mga tao sa mas mataas na presyo ng pagkain at mga pangunahing bilihin.

Naaalala pa natin ang matinding pinagdaanan ng ating mga kababayan nang tumaas ang inflation rate noong 2018—na sumipa sa 4.5 porsiyento noong Mayo, patuloy na tumaas sa 5.7 porsiyento noong Hulyo, hanggang sa umabot sa 6.7 porsiyento noong Setyembre, bago unti-unting humupa upang maisalba ang Disyembre sa miserableng holiday season.

Malaking bahagi ng 6.7 inflation rate noong Setyembre, ay nanggaling sa 7.2 porsiyentong pagtaas ng presyo ng mga pagkain at inumin. Ang naitalang inflation rate noong Setyembre 2018 ang pinakamalala sa bansa mula sa 7.2 porsiyento noong Enero 2009.

Ngayon, mahigpit na tinututukan ng mga ekonomista ang merkado at ang inflation rate na patuloy namang bumaba sa nakalipas na apat na buwan, nang magsara ang maraming negosyo at kailanganing manatili ng mga tao sa kanilang mga tahanan upang mapigilan ang pagkalat ng cororonavirus.

Dahan-dahan nang niluluwagan ang restriksyon habang

Unti-unti nang nakokontrol ang virus. Makalipas ang apat na buwan ng restriksyon mula nang isailalim ang Metro Manila at Luzon sa mahigpit na Enhanced Community Quarantine (ECQ), na sinundan ng pagluluwag sa mga sumunod na buwan, umaasa tayong matatapos na ang General Community Quarantine (GCQ) pagsapit ng Hulyo 16. Nangangahulugan ito ng pagtapos sa karamihan ng restriksyon at pagbuhay sa halos lahat ng aktibidad sa ekonomiya.

Umaasa tayo na sa lahat ng mga hakbang na ito upang magbalik sa normal, hindi rin tayo babalik sa isa pang “normal”—na mataas na inflation o mataas na presyo ng mga bilihin sa merkado. Nasa 2.1 lamang ngayon ang inflation rate at maaaring tumaas sa 2.3 porsiyemto dahil sa pagbabalik ng aktibidad sa bansa.

Tiwala tayong mahigpit na babantayan ng pamahalaan ang mga presyo sa susunod na mga buwan. Hindi na dapat pang maulit ang panahon noong 2018 nang sumirit ang inflation rate sa 6.7 porsiyento, na ayon mismo sa pamahalaan, ay dahil sa pananamantala ng ilang lokal na mga negosyante sa mataas na pandaigdigang presyo ng langis.