PBA monitoring sa players

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

MASUSING minu-monitor ng pamunuan ng Philippine Basketball Association (PBA) ang lahat ng kanilang mga tao partikular ang kanilang mga players habang nasa ilalim ng suspensiyon ang liga dahil sa coronavirus (COVID-19).

Ito ang tiniyak ni PBA commissioner Willie Marcial sa harap ng dumaraming bilang ng mga players sa ibang mga liga na napabalitang tinamaan na ng nasabing virus.

A y o n k a y M a r c i a l , nagtakda na sila ng mga kaukulang mga proseso na dapat gawin sa sandaling makitaan ang sinumang manlalaro o kahit sinong miyembro ng pamilya ng PBA ng mga symptoms ng Covid 19.

“Nagbigay na kami ng mga guidelines sa lahat ng teams na pag may naramdaman o nakitang symptoms ang sinuman sa team ay agad magsabi sa kanilang team doctor,” ani Marcial.

“So far wala pa namang dumarating na pasabi sa amin.Araw araw ko namang nakakausap ang mga team governors sa Viber at sana naman walang mahawahan ng virus na yan,” ayon pa kay Marcial.

Sa NBA, kinumpirmang positibo sa Covid-19 si Marcus Smart ng Boston Celtics, dalawang players ng Los Angeles Lakers, tatlo sa Philadelphia 76ers at isa sa Denver Nuggets.

Nauna namang naiulat na mayroon na ring Covid- 19 sina Kevin Durant ng Brooklyn Nets, Christian Wood ng Detroit at sina Rudy Gobert at Donovan Mitchell ng Utah.

Samantala ikinatuwa naman ni Marcial ang ipinakitang effort ng ilang mga PBA players para magbigay kaalaman at magpaaalala sa mga tao upang makaiwas na tamaan ng virus.

-Marivic Awitan