4 Pinoy abroad, patay sa COVID-19

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na umabot na sa apat na Pinoy sa iba’t ibang bansa ang namatay sa kinatatakutang sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa pahayag ng DFA, nasa kabuuang 245 Pinoy abroad ang nagpositibo sa naturang virus mula sa 28 bansa at rehiyon sa mundo, simula nang mag-umpisa ang outbreak.

Ayon sa ahensiya, 133 sa nasabing bilang ang patuloy na ginagamot sa mga health facility habang 108 naman ang gumaling at nakalabas na sa pagamutan.

Sa report, isa ang namatay sa Asia Pacific Region na binubo ng walong bansa, nasa 127 Pinoy rito ang nagpositibo sa COVID-19, kabilang ang 39 na ginagamot pa at 86 naman ang gumaling at nakalabas na ng pagamutan.

Isa rin ang nasawing Pinoy dahil sa sakit sa Middle East/Africa na may walong bansa, nasa 47 ang nagpositibo, 44 ang patuloy na ginagamot at dalawa naman ang gumaling sa naturang sakit.

Dalawa ang iniulat na namatay sa Europe, naitala ang 50 kaso, 42 naman ang kasalukuyang sumasailalim sa treatment habang anim naman ang nakarekober at pinauwi na.

Wala namang naitalang namatay na Pinoy sa America, gayunman, may 22 kaso ang iniulat na kumpirmado sa COVID-19, walo rito ang ginagamot at 14 naman ang gumaling na sa naturang sakit.

-BELLA G. GAMOTEA