Pimentel, nagpositibo sa COVID-19

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Nagpositibo na rin sa kinatatakutang coronavirus disease 2019 (COVID-19) si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III matapos na magpasuri nitong nakaraang Biyernes.

Si Pimentel ang ikalawang senador na nag-positive. Una nang nagpositibo sa virus si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Pimentel na nagpasya siyang magpa-swab test nitong Biyernes matapos na makaranas ng mga sintomas ng virus.

“Since the last day of session March 11, 2020 I had already tried my best to limit my movement. I will call (to the best of my ability) those I remember meeting during those crucial days so that I can inform them of my test result. I have quarantined myself upon the doctor’s advice and consistent with the protocol. I feel I am, with God’s help, on the way to recovery,” ani Pimentel.

Humingi rin ito ng dasal at para rin sa kanyang asawang si Kath, na nakatadka namang manganak anumang araw mula ngayon. Nagpasamat din si Pimenrel sa mga “frontliners” na patuloy na nakikipaglaban sa nasabing sakit.

“I also urge all of us to observe the social distancing, enhanced community quarantine measures, washing of hands and personal hygiene being implemented because they are the best strategies to beat this disease at this time. I have faith that together we can overcome these challenging times. Please take care. Thank you and may God bless the Philippines,” paliwanag nito.

PANGAMBA NG PUBLIKO, PINAWI

Pinawi naman ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire ang pangamba ng publiko hinggil sa patuloy na tumataas na bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Ayon kay Vergeire, ang mga naitatalang kaso ng sakit ngayon ay maaaring artipisyal lamang at hindi pa kakikitaan ng aktuwal na sitwasyon ng COVID-19 cases sa bansa.

Paliwanag niya, dahil sa kakulangan ng testing kits at laboratoryo ay maraming kaso noon ang hindi kaagad nasuri at ngayon lamang nagdadatingan ang mga resulta, sanhi upang nagkakaroon nang biglaang pagtaas ng kaso ng virus.

Anang health official, sa sandaling matanggal na nila ang mga backlog ay saka pa lamang matutukoy ang tunay na pagtaas at pagbaba ng COVID-19 cases sa bansa.

“’Yung mga pumapasok na resulta na nailalabas natin sa publiko, maaari ay hindi timely, kumbaga baka dati pa ho sila, hinahabol lang sa ngayon. It might be an artificial rise kaya ang ibinibilin natin sa ating mga kababayan huwag ho kayong magugulat,” paalala pa ni Vergeire sa isang pulong balitaan.

“In these coming days, kapag natanggal na po natin lahat ng backlogs makikita na po natin ang totoong mga numero sa pagtaas o di kaya pagbaba dito sa ating bansa,” aniya.

Sa pinakahuling tala, hanggang 4:00 ng hapon ng Marso 24 ay pumalo na sa 552 ang kumpirmadong kaso ng virus sa Pilipinas, at 35 sa kanila ang binawian ng buhay, habang 20 naman ang nakarekober na.

Patuloy naman ang paalala ng DOH sa publiko na maging maingat at manatili lamang sa loob ng kanilang tahanan upang hindi mahawa ng karamdaman.

22 NA-VIRUS SA TAGUIG

Pumalo na 22 kaso ng kumpirmado sa COVID-19,dalawa ang iniulat na namatay sa virus,85 ang persons under investigation (PUIs),29 persons under monitoring (PUMs) habang 70 ang nakatapos na sa 14 days under monitoring sa Taguig City, ayon sa ulat.

Kaugnay nito, umapela ang local government ng lungsod sa mga barangay na makipagtulungan, lalo na sa pagdi-disinfect sa mga lugar na napupuntahan ng mga PUMs at PUIs.

Sinabi ng alkalde ng lungsod, patuloy ang isinasagawang contact tracing ng Taguig government kasabay ng panawagan sa mga residente na magbigay ng kinakailangang impormasyon.

Mahigpit na minomonitor ng health office ng lungsod ang mga PUM at PUI para sa mga sintomas kagaya ng ubo, sipon at lagnat.

“Panatilihing ligtas ang kanilang mga barangay at lugar sa pamamagitan ng pagsunod sa strict hand hygiene at social distancing.Bantayan ang pagpasok at paglabas sa mga lugar o barangay ang sinumang umalis o pumasok sa kanilang mga barangay na dapat na mahigpit na ma-monitor,” sabi ni Cayetano.

Para sa mga katanungan o concern maaring tumawag sa Taguig COVID-19 hotline 8-789-3200 o 0966-419-4510.

61, 626 PUM SA PANGASINAN

Iniulat kahapon ng Pangasinan Provincial Health Office na nasa 61, 626 Person Under Monitoring (PUM) Under 14 Days Quarantine ang lalawigan ng Pangasinan habang ang nakapagkumpleto ng Quarantine ay – 5, 249 at ang Incomplete Quarantine ay 33 na ang kabuuan ng PUMs ay 66,908.

Ang Patient Under Investigation (PUI) naman na Admitted sa Hospital ay nasa 14 ang na Discharged mula Hospital -ay 20 na may kabuuang PUIs na 34.

Ito ay base sa report kahapon ng Provincial Health Office , March 25, 2020 (9AM) COVID-19 Monitoring Report sa Pangasinan.

Nasa apat naman ang kumpirmado o nagpositibo na sa COVID 19 na ditoy namatay ang dalawa na taga Bayambang at Rosales habang ang dalawa na taga Malasiqui na positibo ay patuloy na inoobserbahan sa ospital sa Pangasinan Provincial Hospital.

Samantala,Iniulat ng Cagayan Provincial Information Office na mayroong kabuuang bilang ng 146 ang mga PUI at 43,865 naman ang mga PUM kahapon.

UNANG COVID-19 PATIENT SA ZAMBOANGA

Naitala na ng Zamboanga City ang unang pasyenteng nahawaan ng nasabing virus.

Binanggit ni City Mayor Maria Isabelle Climaco na agad na isinailalim ng Department of Health regional office sa Zamboanga Peninsula (DOH-9) sa total lockdown ang buong barangay Sinunuc upang hindi na kumalat ang sakit.

Gayunman, hindi na binanggit ng alkalde ang pagkakakilanlan ng pasyente na isang 29 taong gulang na lalaki na dumating sa lungsod mula sa Manila sakay ng Philippine Air Lines (PR-2339) nitong Marso 23.

HALOS 40,000 FOOD BOXES, IPINAMAHAGI

Sa loob lamang ng 48-oras, naideliber na ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang 39,364 food boxes mula sa DSWD-NCR at Manila Department of Social Welfare para sa mga residente ng lungsod.

Ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno, naging maagap ang sistema ng distribusyon ng mga food packs dahil sa pakikipagtulungan at kooperasyon ng mga ahensya ng lungsod at ng mga mamamayan.

“Nagpapasalamat ako sa Manila Police District, Gen. Rolly Miranda at men and women in uniform; sa Manila Department of Social Welfare at Director Re Fugoso; sa Department of Public Services, Kenneth Amurao, sampu ng iyong mga kasama at sa Department of Engineering and Public Works, City Engineering Andres, sampu ng iyong mga kasama,” aniya.

“Salamat Vice Mayor Honey Lacuna, napakaswerte ko po na may katulong akong Vice Mayor na nagkataon ding doktor,” pasasalamat ng alkalde.

Binigyang-diin ng alkalde ang hangarin ng Pamahalaang Lungsod na mag-abot ng tulong sa bawat pamilyang Manileño na apektado ng  ‘enhanced community quarantine’ sa buong rehiyon.

“Bawat pamilya, pipilitin natin. ‘Yun ang greatest goal of the city government in the coming weeks,” aniya.

“We will try to reach you as soon as possible. Stay home, we will be there at your doorstep. Konting pasensya lang. Hindi ko papayagang harangin ako ng pader, hahanap at hahanap tayo ng paraan para abutin kayong lahat,” pangako ng alkalde.

SPECIAL SESSION, INVALID — SOLON

Para kay Albay Rep. Edcel Lagman, imbalido o walang bisa ang idinaos na special session ng Kongreso noong Lunes na nagkaloob kay Pangulong Duterte ng special powers para labanan ang virus.

Si Lagman ay isa sa siyam na miyembro ng Kamara na bumoto laban sa pagpapatibay ng “Bayanihan To Heal As One Bill” dahil naniniwala siyang ang deliberasyon at botohan sa Kamara ay labag sa batas.

Aniya, ang sistema ng sesyon sa pamamagitan ng electronic platforms “was not legal because the innovation was not validly effected by a proper amendment of the existing pertinent House rule/practice requiring the physical presence of members in the plenary hall for the determination of a quorum and ascertainment of the requisite vote.”

Aniya, ang suspensiyon o pag-aamyenda sa House rules para payagan ang online and text voting ay hindi man lang iminungkahi, ipinakiusap at kinailangan.

Binira rin niya si Speaker Alan Peter Cayetano nang inansiyo nito na may quorum “without a roll call and with a declaration that practically all members are purportedly on ‘official business’ in their respective constituencies in order to consider them ‘present’ but without the right to vote in absentia.”

Dahil dito ang pagpapatibay sa House Bill No. 6616 ay imbalido, sabi pa nito.

May dagdag na ulat nina Mary Ann Santiago, Bella Gamotea, Liezle Basa Iñigo, Nonoy Lacson at Bert de Guzman

-LEONEL M. ABASOLA